Delima2

De Lima: Nag-udyok sa mga pahayag ng pagbabanta ni VP Sara ‘walang saysay’ sa kasong impeachment

26 Views

SINABI ni House prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima nitong Sabado na anuman ang sinasabing nag-udyok sa umano’y mga pahayag ng pagbabanta ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte ay walang saysay o walang kaugnayan sa kasong impeachment.

Inaakusahan si Duterte sa ilalim ng Artikulo IV ng reklamo sa impeachment ng paggawa ng mabibigat na pagbabanta at pag-uudyok sa sedisyon kaugnay ng kanyang livestream noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang kumuha siya ng isang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.

Ginawa ni De Lima ang pahayag matapos banggitin ng depensa ang umano’y “Operation Romanov,” na inilarawan nila bilang isang planong patayin si Duterte at ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Ayon sa depensa, ito umano ang nag-udyok sa kontrobersyal na mga pahayag ng Pangalawang Pangulo.

“Para sa amin, immaterial ’yan. Para sa amin, hindi maaaring sabihin na justified ang grave threats. Hindi ’yan dapat gamitin bilang justification o dahilan,” ani De Lima sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Sinabi niya na ang umano’y mga pagbabanta ay nagawa na at hayagang inamin sa livestream ni Duterte.

“Because a threat has been made just explicitly. It was openly and publicly admitted doon sa livestream.Hindi puwedeng i-invoke ang mga ganyang pangyayari para bigyang-katwiran ang paggawa ng pagbabanta. Na-consummate na ang pagbabanta,” dagdag niya.

Ayon kay De Lima, kahit ano pa ang sinasabing mga pangyayaring nag-udyok sa mga pahayag ni Duterte, hindi nito mababago ang katotohanang naisagawa na ang mga pagbabanta.

“And even if it is the trigger of the outburst, of the rants, ay hindi pa rin ito lalabas sa krimen ng grave threats,” aniya.

Sinabi rin ni De Lima na ang mas mahalagang isyung kinakaharap ng Senado bilang impeachment court ay kung ang naging asal at kilos ni Duterte ay nagpapakita na karapat-dapat pa siyang manatili sa pampublikong tungkulin.

“Ang pinakaimportante, ang punto rito ay kung ito ba ay may kinalaman sa fitness ng public official, ng impeachable official o ng impeached official,” ani De Lima.

“Tama bang asal iyan? Tama bang conduct iyan? Angkop ba sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na basta na lamang magbanta sa buhay ng pinakamataas na opisyal ng bansa?” dagdag niya.

Ipinaliwanag naman ni House prosecutor at Anakbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno na ang impeachment ay likas na naiiba sa isang kasong kriminal dahil ang pangunahing usapin nito ay ang pagiging karapat-dapat ng isang opisyal na manatili sa kanyang posisyon.

“Hindi naman ang usaping impeachment ay usaping criminal na kaso. Ang pinag-uusapan, ang pinakapuso ng isang impeachment case ay ang katampatan ng naglilingkod o ang fitness ng isang public servant na maglingkod sa kanyang posisyon,” ani Diokno.

Sinabi niya na ang mga ebidensyang ihaharap kaugnay ng Artikulo IV ng impeachment ay dapat makasagot sa tanong kung nananatili pa bang karapat-dapat si Duterte na maglingkod bilang Pangalawang Pangulo.

“Kaya ang mata na dapat gamitin natin dito sa Article IV, pagdating sa threats, ito ba ay batay sa ebidensya? Will this establish that the Vice President is fit or not to hold her office? Iyon po,” ani Diokno.

Samantala, ibinasura rin ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita at tagapayo ng House prosecution panel, ang umano’y “Operation Romanov,” at sinabing nananatiling walang batayan ang naturang alegasyon at isa lamang itong guni-guni ng kabilang panig.

Aniya, siniyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y plano matapos itong lumitaw sa kanilang imbestigasyon, ngunit wala silang nakitang ebidensya na sumusuporta rito.

Dagdag pa ni Barbers, inimbitahan ng NBI ang mga taong iniuugnay sa alegasyon upang makipagtulungan sa imbestigasyon, subalit nabigo silang gawin ito.

“Kaya, kung hindi makikipagtulungan at hindi rin mapatutunayan ang sinasabing Romanov na iyan, eh iyan ay figment of their imagination,” ani Barbers.