Calendar
Tongol inudyok talakayin sa caucus usapin ukol sa senator-judges
SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat ipaubaya ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol sa mga senator-judge ang pagtalakay sa kanilang mga pampublikong pahayag at ayusin ang mga ito sa caucus sa halip na ilabas sa publiko.
Ayon kay Lacson, nagsasalita si Tongol para sa impeachment court kaya hindi ito dapat magmukhang nagbibigay ng babala o pagsaway sa mga senator-judge na kanyang kinakatawan.
“With due respect to Atty. Tongol ang aming spokesperson. Spokesperson siya ng Impeachment Court, nagsasalita siya on behalf of all the senators. Huwag niya ibalik sa amin na parang kami kina-caution-an niya, ina-admonish na wag magsalita ng ganun,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.
“Kung halimbawa meron sa aming nakapagsalita ita-take up dapat namin sa aming caucus. Huwag ipahayag sa publiko parang sinasabihan ang mga Senator Judges,” dagdag niya.
Tumutukoy si Lacson sa mga pahayag ni Tongol tungkol sa pampublikong komento ng mga senator-judge, kabilang ang Facebook post ni Senador Robinhood Padilla hinggil sa pinagtatalunang video evidence sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Tongol na ipinagbabawal ng Rule XVIII ng impeachment rules sa mga senator-judge at iba pang kalahok sa paglilitis ang pampublikong pagtalakay sa merito ng kaso. Hindi niya sinabi na nilabag ni Padilla ang patakaran at sinabi niyang ang anumang pagdedesisyon tungkol dito ay dapat manggaling sa mga senator-judge.
Gayunman, sinabi ni Lacson na ang mga pahayag ni Tongol ay nagmistulang pampublikong pagsaway.
“It is not in his space to call the attention of senator-judges to adhere to Rule 18 of the Rules of Procedure on Impeachment Trials, even sounding like he was admonishing Sen. Padilla for his FB comments,” ani Lacson.
Sinabi rin ni Lacson na dapat magpakita ng pagpipigil ang mga senator-judge at iwasan ang mga pahayag na maaaring magbigay ng impresyon na kumikiling sila sa prosecution o defense.
“We should be responsible enough. Dapat conscious kami lagi na mga huwes kami. Hindi kami pwedeng magpahayag even sa interviews tulad nito o mismo sa trial na nagpoproject na kami panig sa prosecution o depensa,” aniya.
Sinabi niya na maaaring magkaroon ng panibagong caucus ang mga senator-judge sa susunod na linggo upang talakayin ang mga nakabinbing usapin, kabilang ang panukala ni Senador Alan Peter Cayetano tungkol sa pagdalo ng mga nakakulong na senador gaya ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada.
Nauna nang sinabi ni Tongol na ang usapin sa paglahok ng mga nakakulong na senador ay dapat talakayin ng Senado bilang legislative body at hindi ng impeachment court.

