Delima Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima

De Lima nagbabala sa disimpormasyon habang papalapit paglilitis kay VP Sara

107 Views

NAGBABALA noong Lunes si impeachment prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na dapat asahan ng publiko ang pagdami ng disimpormasyon, fake news at mga baluktot na naratibo, habang papalapit sa aktuwal na paglilitis ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Naglabas ng babala si De Lima sa gitna ng mga kumakalat na pahayag at magkakasalungat na naratibo online kaugnay ng nagpapatuloy na pre-trial proceedings sa Senate impeachment court.

“Habang umuusad ang mga pagdinig na ito, maaari nating asahan ang mas marami pang disimpormasyon, mas marami pang fake news, mas marami pang pagbaluktot sa mga katotohanan, at pag-iiba ng tunay na kuwento tungkol sa mga nangyayari habang nagpapatuloy ang proseso, lalo na kapag nagsimula na ang mismong paglilitis,” ani De Lima sa isang press briefing sa Senado.

Kasama ni De Lima sa naturang press briefing ang House prosecution team sa pangunguna ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro upang magbigay ng mga update tungkol sa pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Duterte.

Sa nasabing pagtitipon, ipinakilala ni Luistro si Atty. Benjamin Tolosa Jr. bilang legal spokesperson ng prosekusyon at nakatakdang italaga bilang pribadong prosecutor.

Kasama rin sa press briefing sina Reps. Lordan Suan (Cagayan de Oro City), Ysabel Maria Zamora (San Juan), Jose Manuel “Chel” Diokno (Akbayan), Joel Chua (Manila) at Ramon Rodrigo Gutierrez (1-Rider).

Hinimok ni De Lima ang publiko at ang media na maging mapanuri at maingat sa pagtanggap at pagsusuri ng mga impormasyong may kaugnayan sa impeachment case, lalo na yaong kumakalat sa social media.

“Kaya kailangan nating maging maingat at mapanuri sa pagtanggap ng impormasyon at sa paraan ng ating pag-uulat,” aniya.

Binanggit ni De Lima na ang impeachment trial ay isa sa mga pinakabinabantayang prosesong pampulitika at konstitusyonal sa bansa, kaya madali itong maging target ng mga pagtatangkang impluwensiyahan ang opinyon ng publiko sa pamamagitan ng maling impormasyon.

“Ito ay isang napakahalagang usapin at lubhang sinusubaybayan sa bansa,” aniya.

Nagbabala rin siya na may ilang grupo na maaaring magsikap na impluwensiyahan ang pananaw ng publiko sa pamamagitan ng maling paglalarawan sa mga nangyayari sa mga pagdinig.

“May ilang mga grupo na maaaring gumawa ng mga hakbang upang muling pahinain, lalo na, ang panig ng prosekusyon,” ani De Lima.

Ang babala ay kasunod ng pagtanggi ng House prosecutors sa mga kumalat sa social media na nagsasabing nalamangan umano ng depensa ang prosecution panel sa isinagawang pre-trial conference noong Hunyo 18.

Paulit-ulit na binigyang-diin ng House prosecution panel ang kahalagahan ng tumpak na pag-uulat at ng pagkakaroon ng publiko ng akses sa beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang paghahanda para sa pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.