Calendar
Ortega sa depensa: Maglatag ng ebidensiya, mga testigo, hindi pataasan ng ihi sa social media
HINAMON ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ang kampo ng depensa ni Vice President Sara Z. Duterte na tigilan ang pag-asa sa ingay sa social media, mapanirang mga leak at mga likhang naratibo, at sa halip ay iharap ang mga ebidensiya at testigong sinasabing magpapawalang-sala sa Bise Presidente sa mga kasong kinakaharap nito.
“Hindi ito palakasan ng sigaw sa social media. Hindi ito paramihan ng vlog. Hindi ito pataasan ng ihi. Ang impeachment trial ay tungkol sa ebidensiya at mga testigong handang tumestigo sa ilalim ng panunumpa,” ani Ortega.
Ayon sa kanya, nananatiling nakatuon ang House prosecution panel sa paghahanda ng kanilang mga ebidensiya at testigo na ihaharap sa Senate impeachment court.
“Naghahanda kami para sa paglilitis, hindi para sa mga trending topic. Inihahanda namin ang mga dokumento, mga testigo, at mga ebidensiya — hindi mga kampanya sa social media,” dagdag niya.
Binanggit ni Ortega na sa kabila ng dami ng mga pahayag, leak at pag-atake online mula sa mga tagasuporta ng Bise Presidente, wala pa ring malinaw na inilalahad ang depensa na mga testigo at ebidensiyang direktang magpapasinungaling sa mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment.
“Hanggang ngayon, wala pa kaming nakikitang malinaw na mga testigo o matitibay na ebidensiyang inilalatag ng depensa para mapawalang-sala si Vice President Sara Z. Duterte sa mga akusasyong kinakaharap niya,” ani Ortega.
“Marami kaming nakikitang ingay. Marami kaming nakikitang propaganda. Marami kaming nakikitang pagtatangkang ilihis ang usapan. Pero ang tanong ng taumbayan ay simple: Sino ang mga testigong magpapaliwanag? Nasaan ang mga dokumentong magpapabulaan sa mga alegasyon? Ano ang ebidensiyang magpapatunay na walang nagawang mali ang Bise Presidente?” tanong ni Ortega.
Ayon pa sa mambabatas, ang impeachment court ang tamang lugar upang sagutin ang mga tanong na ito.
“Hindi memes ang ebidensiya. Hindi vlog ang testimonya. Hindi fake news ang depensa. Sa impeachment court, dokumento at testigo ang nagsasalita,” aniya.
Sinabi rin ni Ortega na bukas ang prosekusyon sa isang masiglang depensa at handa silang harapin ang anumang ebidensiyang ihaharap ng kabilang panig.
“Kung may ebidensiya silang magpapawalang-sala sa Bise Presidente, ilatag nila. Kung may mga testigo silang magpapaliwanag at sasagot sa mga tanong ng bayan, iharap nila. Iyan naman ang layunin ng paglilitis,” aniya.
Binigyang-diin ni Ortega na ang magkabilang panig ay hahatulan sa huli batay sa lakas ng kanilang ebidensiya at hindi sa dami ng kanilang tagasuporta sa internet.
“Sa huli, hindi social media ang magdedesisyon. Hindi trolls. Hindi influencers. Hindi malicious leaks. Ang magdedesisyon ay ang impeachment court batay sa mga ebidensiya at testimonya na ihaharap ng magkabilang panig,” ani Ortega.
“Ang prosekusyon ay nakatuon lamang sa isang bagay: ang paglalahad ng katotohanan. Hindi kami magpapadala sa mga maling naratibo, mapanirang mga leak o fake news na dinisenyo upang lituhin ang publiko. Sa dulo, katotohanan pa rin ang mananaig,” dagdag pa ni Ortega.

