Calendar
Dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers
Barbers: Maging mapanuri vs fake news habang umuusad ang impeachment trial
NANAWAGAN si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa publiko na maging mapagmatyag laban sa inaasahang pagdami ng fake news, disimpormasyon, at mga naratibong may motibong pulitikal habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
“Sa mga darating na araw, habang umuusad ang impeachment trial, maaari nating asahan ang pagdagsa ng iba’t ibang impormasyon, opinyon, at sa kasamaang-palad, maling impormasyon.
Kaya mahalaga na maging mapanuri ang bawat Pilipino,” ani Barbers.
Ayon kay Barbers, ang proseso ng impeachment ay isang mekanismong itinatadhana ng Konstitusyon upang mabunyag ang katotohanan at matukoy ang pananagutan, at hindi isang laban na dapat mapanalunan sa pamamagitan ng propaganda, mga troll o mga gawa-gawang kuwento.
“Huwag nating hayaang malunod ang katotohanan sa ingay ng fake news. Karapatan ng mamamayang Pilipino ang makatanggap ng mga katotohanan, ebidensiya at tapat na talakayan — hindi mga likhang naratibo na naglalayong iligaw ang publiko o impluwensyahan ang magiging resulta ng isang prosesong konstitusyonal,” ani Barbers.
Nanawagan din si Barbers sa mga organisasyon ng media, mga opisyal ng gobyerno, content creators at karaniwang mamamayan na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyong may kaugnayan sa mga pagdinig.
“Ang tunay na laban dito ay hindi pulitika kundi katotohanan. Hayaang magsalita ang ebidensiya. Hayaang gumana ang proseso. At huwag nating hayaang sirain ng kasinungalingan ang tiwala ng taumbayan sa ating mga institusyon,” aniya.
Binigyang-diin niya na anuman ang partidong kinabibilangan o personal na paniniwala, dapat suportahan ng bawat Pilipino ang isang makatarungan, malinaw at nakabatay sa katotohanang proseso ng impeachment.
“Sa huli, ang pinakamahalagang tagumpay ay hindi para sa isang tao o partido, kundi para sa katotohanan at sa ating demokrasya,” pagtatapos ni Barbers.

