Tacloban shooting nagpursige sa mga senador manawagan para sa school safety

119 Views

NANAWAGAN ang mga senador ng mas mahigpit na school safety measures, psychosocial support at pagsusuri sa child-protection systems matapos may mga estudyanteng nasawi at nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Sinabi ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na dapat manatiling ligtas ang mga paaralan at hindi maging lugar ng takot at karahasan.

Ayon kay Aquino, dapat isama sa pagtalakay sa panukalang School Safety Act ang insidente sa Tacloban.

“Doon sa aming komite, tinalakay namin yung School Safety Act.

Pagdating sa bullying, pagdating sa mga activities na mapanganib. Isasama na rin namin ’yung pagtalakay nitong nangyaring shooting at kung paano ’to matitigil at kung paano magiging ligtas ’yung ating mga eskwelahan,” dagdag ni Aquino.

Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na agad magbigay ng psychosocial support at intervention sa mga naapektuhang mag-aaral, guro at school personnel.

“Hindi katanggap-tanggap na umaabot ang ganitong klaseng karahasan sa mga paaralang dapat nagsisilbing ligtas na espasyo,” ani Gatchalian.

Dapat magtulak ang insidente sa mga awtoridad at komunidad na tugunan ang karahasan sa kabataan, mental health concerns at access sa firearms, pahayag ni Sen. Loren Legarda.

Ayon kay Legarda, dahil sa kaso ay nagkaroon ng mga tanong tungkol sa mga babalang maaaring hindi napansin, tulong na huli nang nakakarating sa kabataan, at kung paano nagkaroon ng baril ang isang menor de-edad.

Ayon kay Sen. Pia Cayetano, dapat magsagawa ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga kundisyong nagtulak sa mga estudyante na gumawa ng marahas na aksyon laban sa kapuwa estudyante.

Dapat maging bahagi ng tugon ang law enforcers, DepEd, child protection at social welfare agencies, pamilya at komunidad, ayon sa senador.

Nanawagan din si Cayetano ng pagsusuri sa school safety measures, mas malawak na access sa guidance at mental health services, sapat na counseling support at tuloy-tuloy na tulong sa mga naapektuhang pamilya at komunidad.

Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros ng masusing imbestigasyon at sinabing hindi dapat maging lugar ng takot at karahasan ang paaralan.

Sinabi ni Hontiveros na kikilos ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality upang makatulong na maiwasang maulit ang ganitong karahasan.

“Hindi tayo dapat masanay sa ganitong karahasan,” sinabi niya.