Calendar
Vice President Sara Z. Duterte
Adiong kay VP Sara: Hindi masasagot ng accomplishment report mga reklamong nakasaad sa impeachment
HINDI tinutugunan ng pinakabagong accomplishment report ng Office of the Vice President (OVP) ang mga seryosong alegasyong haharapin ni Vice President Sara Z. Duterte sa nalalapit nitong impeachment trial sa Senado, sinabi ni House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur noong Lunes.
“Maganda pong malaman ng publiko ang mga programang ipinatupad ng OVP. Pero hindi po iyon ang isyu sa impeachment case,” ani Alonto Adiong.
“Ang mga alegasyon ay tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta laban sa Pangulo. Hindi po masasagot ng accomplishment report ang mga isyung iyan,” dagdag niya.
Naglabas ng pahayag si Alonto Adiong matapos ilathala ng OVP ang accomplishment report nito kung saan itinampok ang iba’t ibang programa, kabilang ang pagbibigay ng tulong medikal, pagtugon sa kalamidad, libreng sakay, at pagtatanim ng mahigit isang milyong puno sa unang tatlong taon ng panunungkulan ni Duterte.
Sa ulat, sinabi ni Duterte na nanatiling matatag ang OVP sa kabila ng tinawag niyang “walang basehang mga kritisismo” at “sistematikong pag-atake” laban sa kanya.
Gayunman, sinabi ni Alonto Adiong na ang impeachment trial na magsisimula sa Hulyo 6 ang tamang pagkakataon upang direktang sagutin ng Bise Presidente ang mga paratang laban sa kanya.
“Kung totoong walang basehan ang mga paratang, ito na ang pagkakataon para malinaw niyang sagutin ang mga ito sa tamang forum at sa ilalim ng proseso ng impeachment,” aniya.
“Hindi accomplishment report ang hinihintay ng publiko ngayon. Ang hinihintay nila ay mga sagot sa mga seryosong alegasyon laban sa pangalawang pangulo,” dagdag ni Alonto Adiong.
Ayon pa sa kanya, dapat magkasabay na umiiral ang mga nagawa sa serbisyo publiko at pananagutan sa publiko.
“Walang masama sa pagtulong sa mamamayan. Pero hindi nabubura ng mga programang ito ang mga seryosong alegasyon ng katiwalian, pang-aabuso sa pondo, at iba pang paglabag,” sabi ni Alonto Adiong.
“Ang tunay na tanong ay kung karapat-dapat pa ba siyang manatili bilang pangalawang pangulo. Iyan ang pagpapasyahan sa impeachment trial,” dagdag niya.
Nahaharap si Duterte sa impeachment kaugnay ng mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at mga pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
