Calendar
SOURCE: PNP
Pagpapatupad ng anti-bullying law higpitan — Tulfo
NANAWAGAN si Senador Erwin Tulfo ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act at imbestigasyon ng Senado matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, kasunod ng iniulat na bullying angle sa insidente.
Nakiramay si Tulfo sa mga pamilya ng mga estudyanteng nasawi sa pamamaril at kinondena ang karahasang nangyari sa loob mismo ng paaralan, na aniya ay dapat ligtas na lugar para sa mga kabataan.
“Taos puso po tayong nakikiramay sa pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City,” ani Tulfo.
“Mariin nating kinokondena ang ganitong karahasan na nangyari pa mismo sa loob ng paaralan na dapat ay ligtas na lugar para sa ating mga kabataan,” dagdag niya.
Sinabi ni Tulfo na ang iniulat na dahilan ng pamamaril na kinasasangkutan ng mga menor de edad na suspek ay bullying. Ayon sa senador, mali ang naging tugon ng mga menor de edad, ngunit dapat magsilbing babala ang insidente sa mga paaralan at awtoridad upang palakasin ang anti-bullying measures.
“Ang iniulat na dahilan ng pamamaril ng mga menor de edad na suspek ay bullying. Bagama’t di tama ang naging paraan nila para resolbahin ang bullying sa kanila, isa po itong nakakaalarma na hudyat para sa lahat ng mga eskwelahan at sa mga awtoridad: LAGYAN NA NG PANGIL ANG IMPLEMENTASYON NG ‘ANTI-BULLYING ACT’,” ani Tulfo.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10627, o Anti-Bullying Act of 2013, inaatasan ang elementary at secondary schools na magpatibay ng mga polisiya upang maiwasan at matugunan ang bullying sa kanilang mga paaralan.
Sinabi ni Tulfo na hindi dapat hayaang mauwi sa mas malalang pinsala ang bullying sa loob ng paaralan.
“Ilang buhay pa ang dapat na mawala bago tayo magising sa katotohanan na malamya ang implementasyon ng mga anti-bullying laws sa bansa?” ani Tulfo.
“Huwag po nating hayaan na mahanay ang ating bansa sa mga lugar na normal na ang mass shooting at bullying sa mga eskwelahan,” dagdag niya.
Sinabi ni Tulfo na nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa mga pamilya ng mga biktima upang magbigay ng kaukulang tulong.
Nanawagan din siya sa kanyang mga kasamahan sa Senado na agad magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung may naging pagkukulang sa pagtugon ng paaralan, saan nagkaproblema, at paano maiiwasan ang ganitong mga insidente.
“Bilang Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, nananawagan tayo sa ating mga kasamahan sa Senado na kaagad magsagawa ng imbestigasyon upang makita kung may pagkukulang ba ang school, saan ang naging problema, at paano maiwasan ang ganitong mga insidente sa ating mga paaralan,” ani Tulfo.

