Ube SOURCE: DOST

Demand sa ube sa buong mundo lumalaki, Pangilinan itinutulak dagdag pondo para sa industriya

97 Views

ISINUSULONG ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang dagdag na suporta ng pamahalaan para sa lokal na produksyon ng ube sa susunod na budget cycle, kasunod ng lumalaking global demand para sa produktong itinatanim ng mga Pilipinong magsasaka.

Sinabi ni Pangilinan na titingnan niya ang posibleng dagdag na pondo para sa high-value crops program ng Department of Agriculture, na ngayon ay may tutok sa ube o purple yam.

“So, now what we’re doing is we’re preparing for the next budget cycle and look into how we can provide additional funding for the high-value crops program but also focus this time on ube,” ani Pangilinan sa isang panel interview sa Naga City noong weekend.

Sinabi ng senador na kabilang ang ube sa mga high-value food products ng bansa na maaaring makinabang sa lumalaking interes sa international market, kasama ng mangga.

Ayon sa tanggapan ni Pangilinan, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas sa humigit-kumulang $3.25 million, o halos 1.7 million kilos, ang ube exports ng bansa noong 2025 mula sa $2.7 million noong 2024.

Sinabi ni Pangilinan na dapat tulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka na makinabang sa demand na ito, ngunit binigyang-diin niya na kailangan ng panahon at suporta sa produksyon.

Ayon sa senador, inaabot ng halos isang taon bago maani ang ube, kaya mahalaga ang public-private partnerships sa pagpapalawak ng produksyon.

Sinabi rin ni Pangilinan na nagtanim siya ng 100 ube root crops sa kanyang farm, isang karanasang aniya ay nagpakita ng potensyal ng ube at ng mga hamon na kinakaharap ng mga nagtatanim nito.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sinabi ni Pangilinan na isusulong niya ang mas malakas na budget para sa DA at mga attached agency nito upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda, pataasin ang agricultural productivity at tugunan ang food security concerns.

Ayon sa release, naglaan ang DA high-value crop program ng ₱500 million para sa cacao at coffee sa 2026 budget.

Binanggit din ng tanggapan ni Pangilinan ang mga hamon sa ube production, kabilang ang limitadong access sa resources, peste at sakit, kakulangan sa mechanization at pag-asa sa small-scale farming systems.

“We’ll figure out how to source the funds and make it happen,” ani Pangilinan.