Sara

De Lima: VP Sara di karapat-dapat manatili sa pwesto dahil sa banta na ipapatay si PBBM

109 Views

DAHIL sa pagbabanta na ipapapatay si PBBM, hindi karapat-dapat manatili sa puwesto si VP Duterte — ayon sa dating Kalihim ng Katarungan na si de Lima

DAHIL sa pagbabanta na ipapaslang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa isang televised media interview noong Nobyembre 2024, sinabi na hindi karapat-dapat manatili sa puwesto si Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte at dapat siyang mapatalsik.

Iginiit ito ng dating Kalihim ng Katarungan at ngayo’y kinatawan ng Mamamayang Liberal Party-list na si Leila de Lima habang iniendorso ang sapat na nilalaman ng ikatlong impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.

Ayon sa kanya, ang banta ni VP Duterte laban sa Pangulo, Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay saklaw ng mga kasong maaaring pagmulan ng impeachment tulad ng “pagtataksil sa tiwala ng publiko, sadyang paglabag sa Konstitusyon, at iba pang mabibigat na krimen.”

“Bakit naman po betrayal of public trust? Kung totoo na nais ng respondent na gumamit ng dahas upang patahimikin o mapatalsik ang matataas na lider ng pamahalaan, ito ay pagyurak sa kaayusang konstitusyonal,” ani De Lima sa kanyang mga kasamahan sa House Committee on Justice bilang endorser ng ikatlong impeachment complaint.

“Ito ang pinakamatinding anyo ng pagtataksil sa tiwala ng publiko. Hindi na dapat manatili sa posisyon ang ganitong mag-isip,” dagdag niya.

Sinabi rin ni De Lima na ang pahayag ukol sa asasinasyon ay maaaring pumasok sa kategoryang “other high crimes” dahil layunin nitong guluhin ang constitutional succession at ang maayos na paggana ng pamahalaan, gayundin ilagay sa panganib ang seguridad ng bansa.

“At bakit naman maituturing itong ‘other high crimes’? Ang ‘other high crimes’ ay tumutukoy sa mga gawaing may mabigat na epekto sa maayos na pagpapatakbo ng pamahalaan. Kung totoo ang alegasyon ng sabuwatan upang patayin ang mga pinakamataas na opisyal ng bansa, magdudulot ito ng kaguluhan sa constitutional succession, panganib sa pambansang seguridad, at kawalan ng katatagan sa pamahalaan,” paliwanag niya.

“Marahil wala nang mas malinaw na halimbawa ng isang paglabag na tumatama sa maayos na paggana ng gobyerno. Kahit walang hatol na kriminal, ang ganitong alegasyon, kung tuwirang inamin, ay saklaw ng konsepto ng ‘other high crimes’ sa Konstitusyon,” dagdag pa niya.

Itinuro rin ni De Lima na hindi maaaring pasubalian ang video evidence laban sa Pangalawang Pangulo.

“Kung ipagpapalagay na totoo ang mga alegasyon — at paano ito mapapasubalian kung may video, may mga clippings, at may video na napatotohanan ng NBI (National Bureau of Investigation) na naging batayan ng pagsasampa ng kaso ng inciting to sedition — malinaw po ito. Ito ay bumubuo ng high crimes at pagtataksil sa tiwala ng publiko na may pinakamabigat na bigat sa ilalim ng Konstitusyon,” diin niya.

Aniya, ang banta ay maituturing ding “culpable violation of the Constitution” sa panig ni VP Duterte.

“So bakit culpable violation of the Constitution? Ang pakikipagsabuwatan upang ipapatay ang Pangulo, ang Unang Ginang at ang dating Speaker ay hindi simpleng political rhetoric lamang… Ito ay sinadyang paglabag sa kanyang tungkulin. Iyan ang mismong kahulugan ng sadyang pagtataksil sa Konstitusyon,” aniya.

“Malinaw ang mga alegasyon. Nariyan ang ebidensya — available ang video at alam ito ng publiko. Ang katotohanan ng banta ng asasinasyon ay umabot na sa antas ng pagiging kilalang-kilala,” sabi pa ni De Lima.

“Marami ang nakakita, tayo mismo nakita natin ang video na iyon. Lantaran ang pagbabanta (ni VP Duterte) laban sa Pangulo, sa Unang Ginang, at sa dating Speaker,” dagdag ni De Lima.