Sundalo

Delivery ng P805B ‘logical nightmare’

124 Views

NAGTANONG si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa 18 dating miyembro ng militar na iniuugnay sa umano’y P805 bilyong cash delivery scheme bago ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa usapin.

Sinabi ni Lacson na hindi layunin ng tanong niya na maliitin ang testimonya ng 18, kundi tiyakin na ang kredibilidad ng mga pinanggagalingan ng impormasyon at ng mismong impormasyon “adheres to rational and logical standards of believability.”

“Siguradong bibigyang-kulay na naman ng mga trolls ang mga tanong na ito. Pero isipin na lang natin kung magagamit ang mga nasabing alegasyon bilang instrumento ng propaganda o anumang motibo, hindi ba dapat ay logical at mathematically possible man lamang ang mga akusasyon?” dagdag niya.

Binanggit ni Lacson ang isang “logistical nightmare” sa paggalaw ng 805 metric tons na papel na salapi na hindi pa kasama ang 53.6 metric tons ng malalaking bakanteng maleta na kakailanganin upang mailagay ang nasabing halaga bago ito maihatid sa mga sinasabing tatanggap.

Aniya, ang pagbababa, pagbibilang, muling pag-iimpake, pagkakarga at paghahatid ng pera ay aabutin ng lima’t kalahating taon o hanggang kalagitnaan ng 2028 kung nagsimula ito noong 2023 o hanggang 2027 kung nagsimula noong ikalawang kalahati ng 2022 nang maupo si dating Rep. Elizaldy Co.

Sa kabilang banda, ang paglipat ng ganitong kalaking halaga sa bilis na P500 milyon kada araw ay mangangailangan ng 1,610 delivery sa tirahan ni Co at aabutin ng 4.4 taon upang makumpleto.

“Tinanong din ni Lacson kung magkano ang natira bilang kickback para kay Co. Zero? Was he just a messenger?” aniya.

Samantala, binigyang-diin din ni Lacson na ang P805 bilyong halaga ng papel na salaping umano’y na-encash mula sa reserba ng mga bangko sa paglipas ng mga taon ay kumakatawan sa malaking bahagi ng kabuuang P2.7 trilyong pisikal na salapi sa Pilipinas noong 2024, batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“That would mean that P400 billion or half of the P805 billion out of the P2.7 trillion pesos of physical cash of 114 million Filipinos passed through a single individual, equivalent to around 15% of the total physical cash, both in circulation and those kept in all the bank vaults,” sabi ni Lacson.

“I raise these questions to ensure that the testimonies withstand established facts and logic before we even invite them to testify before the Senate Blue Ribbon Committee. Pray and tell Mr. President if their statements appear to be demonstrably false and physically impossible to accomplish, wouldn’t convening a hearing effectively validate and dignify disinformation?” dagdag niya.