Calendar
Death toll sa hagupit ni Kristine sa Bicol , umabot na sa 20-PNP
UMAKYAT na sa 20 katao ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng severe tropical depression Kristine sa Bicol Region .
Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) 5 Chief Police Brigadier General Andre Dizon.
Pito sa mga ito ay mula sa Naga City, lima sa Catanduanes , apat sa Albay at tig-isa sa Camarines Norte, Camarines Sur at Masbate.
Apat din ang naiulat na nawawala kung saan dalawa sa mga ito ay mula s Masbate at tig-isa naman sa Camarines Sur at Albay.
Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na umabot na sa 2,077, 643 indibidwal na katumbas ng 431,738 pamilya ang naapektuhan ng hagupit ni Kristine sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ayon sa NDRRMC ang mga apektado ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, at Cordillera Administrative Region.
Karamihan sa mga apektado ay mula s Bicol na umabot sa 1,669.507. Sinundan ito ng BARMM na may 351,913 indibidwal .
Sa nasabing bilang ng mga apektado, 163,184 indibidwal o 43,463 pamilya ang pansamantalang nanatili sa mga evacuation centers habang nasa 32,877 katao o 8,003 pamilya ang nasa labas.
Umabot naman sa 1,007 bahay ang napinsala, 916 sa mga ito ang partially damaged at 92 ang totally damaged.
Umabot na din sa P21.5 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi ng gobyerno mga biktima ng bagyong Kristine.
Dahil sa lakas ng hagupit ng bagyong Kristine, 299 kalsada at 41 tulay ang nasira .
Sa ngayon, suspendido ang operasyon ng 86 seaports o pantalan at dalawang airports.
Umabot na rin sa 5,980 pasahero, 1,351 rolling cargoes, 106 vessels at 12 motorbancas ang na-stranded.
Nanatili ring suspendido ang klase sa 994 lugar at trabaho sa 571 lugar sa bansa.
Air assets gagamitin sa rescue, relief efforts
Inihahanda na ng Office of Civil Defense (OCD) ang 17 air assets para magamit sa pagsagip at paghahatid ng tulong sa mga biktima ng severe tropical storm Kristine.
Ayon kay OCD spokesperson Director Edgar Posadas , naka-preposition na sa villamor at cebu ang naturang mga air assets at handa nang i-deploy anomang oras na kailanganin.
Tiniyak din ni Posadas na parating na ang lahat ng tulong mula sa gobyerno sa bicol region at iba pang probinsiya na sinalanta ng bagyo.
Kaugnay nito, tiniyak din ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na mayroong available assets ang Philippine Army na mayroong lift capabilities o kakayanang magbuhat.
Nakikipag-ugnayan narin aniya ang gobyerno sa ating mga karatig bansa sa asean para sa anomang tulong na kakailanganin.
Puno nagtumbahan sa Laguna, trapiko apektado
Samantala, maraming lugar sa Laguna ang naantala ang trapiko dahil sa mga nagtumbahang mga puno.
Binaha na rin ang mga kalsada sa Mabitac at San Pedro.
Sa lungsod ng San Pablo ay inilikas na ang ilang residente mula sa tatlong baranga sa mga evacuation center at agad binigyan ng ayuda na pagkain.
May iniulat na taong tinangay ng malakas na agos ng tubig sa Lapad River na sakop ng Barangay Bayate sa Liliw. Isinasagawa na ang rescue operation para sa nasabing biktima.
DA ready mamigay ng binhi, agri tools
Samantala, handa na ang Department of Agriculture (DA) na mamamahagi ng mga binhi at iba pang kagamitan sa agrikultura sa mga magsasakang maapektuhan ng bagyong Kristine upang agad makapagtanim paghupa ng baha.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinayuhan din ng DA ang mga magsasaka na maagang mag-ani bago pa nanalanta ang bagyo at pinag-igting ng National Food Authority (NFA) ang mga rice-buying activity nito bilang preemptive measure upang mabawasan ang pinsala at tumaas ang rice buffer stock.
“Unfortunately, the effects of La Niña, particularly Kristine, will hurt our production as we are already at harvest period this wet season. It is sad news that areas ready for harvest have been reportedly flooded,” ani Tiu Laurel.
Sinabi ni Tiu Laurel na mainam na naani na ang may 70 porsyento ng mga palayan nitong wet season.
Nasa Washington, DC si Tiu Laurel para dumalo sa diskusyon hinggil sa agrikultura at pagkain sa World Bank’s 2024 annual meetings.
Samantala, inaasahan naman ng Masagana Rice Industry Development Program na aabot sa 358,000 metriko tonelada ang mawawala sa projected palay harvest na 19.41 milyong metriko tonelada ngayong 2024.
Ayon kay Undersecretary Christopher Morales, na namamahala sa Rice Industry Programs, aabot dapat sa 3.38 milyon metriko tonelada ang rice supply bago matapos ang taong ito na sasapat sa national consumption para sa 100 araw.
Kamakailan, ibinigay na ng Department of Budget and Management sa NFA ang P9-bilyon budget para sa pagbili ng palay para sa fourth quarter.
Sapat na ang halaga upang makabili ng 7.2 milyon na tig-50-kilo ng bag ng palay sa halagang P25 kada kilo.
Inatasan naman ni Tiu Laurel ang Philippine Crop Insurance Corp. na i-proseso ang mga insurance claim upang matulungan ang mga magsasaka na ma-rekober ang mga pinsalang dulot ng bagyo. ZAIDA DELOS REYES, GIL AMAN & CORY MARTINEZ