Rider

Delivery rider, online seller huli sa dalang P3K na marijuana

Edd Reyes May 27, 2026
68 Views

ARESTADO ang delivery rider at ka-angkas na online seller na sangkot sa umano ilegal na droga nang bundulin nila ang pulis na sisita sa kanila sa police checkpoint Martes ng gabi sa Valenzuela City.

Sumemplang ang motorsiklong sinasakyan nina alyas “Jake”, 22, Lalamove rider at residente ng Assumption Village, Brgy. Lingunan, at ka-angkas na si alyas “Arnold”, 22, online seller, ng Sapang Bakaw St. Brgy. Lawang Bato, nang takasan at bundulin nila ang pulis na pumara sa kanila dakong alas-7:50 ng gabi sa Bypass Road, Brgy. Bignay.

Sa ulat na nakarating kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa Bypass Road nang parahin ni P/MSg Gilbert Orellano ang dalawa para sa regular na beripikasyon.

Sa halip na huminto, pinaharurot pa ni alyas Jake ang minamanehong motorsiklo at binundol si Orellano na bahagyang nakaiwas hanggang sa mawalan ng kontrol sa manilbela ang rider at tuluyang sumemplang.

Nang lapitan ng mga pulis ang dalawa, dito na natambad ang 30.31 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,637. sa nasirang sling bag ni alyas Jake habang nakuha rin sa loob ng compartment ng motorsiklo ang 10.10 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,212.00.

Sasampahan ng kasong Direct Assault at paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawa sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.