Manyak

Lalaking wanted sa paghipo ng bata, swak sa selda

Edd Reyes May 27, 2026
67 Views

TIMBOG ang 39-anyos na kelot na wanted sa kaso ng panghihipo sa maselang parte ng katawan ng batang biktima Martes ng hapon sa Makati City.

Sa loob ng The Landmark sa Makati Avenue, Ayala Center, Brgy. San Lorenzo, dinampot ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang Top 4 Most Wanted Person sa Makati City na si alyas “John Eric” na nahaharap sa kasong Statutory Lasciviousness.

Kaagad na tinugis nina Makati City police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr si alyas John Eric nang matanggap ang inilabas na warrant of arrest ni Makati Family Court Presiding Judge Abigail Santos Domingo-Laylo ng Branch 3, Martes ng umaga, Mayo 26, 2026.

Naglaan naman ng kaukulang piyansang P180,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamatalang nakapiit sa Custodial Facility ng Makati Police Station.