Calendar
DENR ‘di pa matukoy pondo para sa super El Niño
HINDI pa matukoy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung magkano sa panukalang P28.04 bilyong budget para sa 2027 ang nakalaan sa paghahanda sa super El Niño, ayon kay DENR Undersecretary Analiza Rebuelta-Teh.
“Importante masagot nyo kami kung magkano kabuuan na ang nakalaan para sa super El Niño,” ani Sen. Risa Hontiveros, na nag-utos sa DENR na isumite ang kabuuang halaga.
Ayon kay Rebuelta-Teh, nasa P1.7 bilyon ang maituturing na pondo para sa nature-based solutions gaya ng reforestation, soil conservation at pangangalaga sa protected areas, pero may overlap aniya ito sa mga hakbang laban sa El Niño.
Tinanong din ni Hontiveros kung puwedeng gamitin sa El Niño ang P550 milyong tinapyas sa plantation establishment ng National Greening Program, na binawasan dahil umano’y nauuna na ito sa target na 7.5 milyong ektaryang forest cover pagsapit ng 2028. Sinabi ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na sa tingin niya ay praktikal ito.
Ayon kay Local Water Utilities Administration (LWUA) Administrator Jose Moises Salonga, P29.5 milyon lamang ang inilaan sa LWUA sa budget. “Isang water district lang po yan,” aniya.
Tinatayang nasa P2 bilyon pa ang kailangan para sa mga proyekto ng mga water district, ayon kay Salonga, dahil hindi lahat ng water district ay kwalipikadong umutang sa LWUA.
Dalawang atmospheric water generator at dalawang mobile water treatment plant lamang ang hawak ng LWUA, habang 13 water bladder ang nasa DENR, ayon sa mga opisyal.
Sinabi naman ni Cuna na nagpadala siya sa Office of the President ng panukalang memorandum circular na mag-aatas sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na magpatupad ng mahigpit na pagtitipid sa tubig, gaya ng pagsasara ng main valves sa gabi.
Ayon sa DENR, may 1,335 small water impounding system na sa bansa na may kabuuang kapasidad na halos 50,000 cubic meters, at target nitong madagdagan ng 2,527 cubic meters sa 2027 sa halagang P185 milyon.
Lumabas din sa spatial analysis ng DENR na 14,434 barangay, o 34 porsiyento, ang high priority sa El Niño intervention; 17,046, o 41 porsiyento, ang moderate priority; 9,685, o 23 porsiyento, ang low priority; at 883, o dalawang porsiyento, ang hindi apektado. Ayon sa DENR, indicative lamang ito at batay sa drought forecast ng PAGASA para sa Disyembre 2026.

