Edsa busway left side door policy sundin–DOTr sec sa bus operators

Jun I Legaspi Oct 22, 2026
112 Views

BINIGYAN ng deadline ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang mga bus operator para ipatupad ang “EDSA Busway Left-Side Door Policy” kung saan lahat ng bus na bumabaybay sa EDSA Busway ay dapat nasa kaliwang side ang pintuan para kumbinyenteng makababa ang mga pasahero.

Sa ngayon ay meron pa ring mga bus na nasa kanan ang pintuan kung kaya’t kailangan pang umiikot ng mga pasahero para sumakay o bumaba ng bus.

Ayon kay Secretary Lopez, kailangang sumunod ng mga EDSA Busway operators at consortium sa loob ng anim buwan dahil hindi na palalawigin pa ito ng DOTr.

“Inutusan ko na rin po sina [LTFRB] Acting Chair Greg Pua at si Undersecretary Pastor—magbibigay na lang po ako ng six months sa ating mga bus operators,” sinabi ni Secretary Lopez matapos inspeksyunin ang rehabilitated na EDSA Busway Monumento Station.

“Hindi na po tayo magbibigay ng palugid d’yan at saka extension.

Matagal na po tayo nagbigay ng moratorium d’yan, this time in six months lahat po sana ng ating mga buses na bumabaybay sa busway station dapat may left side door,” dagdag ni Lopez.

Dagdag pa ng transport chief, sa kabuuang mahigit 500 na bus na bumabiyahe sa EDSA Busway, 181 na bus ang mayroong pinto sa kaliwang bahagi ng kanilang sasakyan.