Calendar
DepEd kailangan ng P18B pampaayos ng eskuwelahang nasira sa kalamidad
AABOT sa P18 bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) para maipagawa ang mga eskuwelahan na sinira ng mga nagdaang kalamidad mula noong 2021.
Bukod sa nasira ng magnitude 7.0 lindol kamakailan, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na kabilang sa mga ipapagawang paaralan ay ang mga nasira ng mga bagyo noong 2021 at ngayong taon.
“We are not just counting the earthquake, pati ‘yung immediate lang po, early 2021 to early 2022, ‘yung mga Typhoon Odette and Agaton, it already amounted to P16 billion. We add pa po the now still-increasing number kasi day by day, ‘yung sa earthquake, nagpapalit ‘yung schools na may damage. Right now, we’re at P1.4 to P1.7 billion, but that’s unverified,” paliwanag ni Poa.
Naghahanap din umano ng paraan ang DepEd upang matuloy ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan na kailangang kumpunihin.
Kabilang umano sa ikinokonsidera ang pagtatayo ng mga pansamantalang learning space at paghahanap ng mga lugar na maaaring pagdausan ng klase.