Calendar

Desisyon sa impeachment complaint nakasalalay sa buong Senado, di sakin lang — Chiz
IGINIIT Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang kapalaran ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte ay nasa kamay ng buong Senado, at hindi desisyong nag-iisa lamang ng kaniyang opisina.
Ito ay sa gitna ng mga batikos na siya umano’y nagpapabagal sa pag-usad ng kaso.
Sa isang panayam sa programang Gising Pilipinas ng DZMM, ipinaliwanag ni Escudero na ang desisyon kung itutuloy ang impeachment trial ay kolektibong pagpapasya ng mga senador.
“Plenary ng Senado ang magde-decide kung ano nga ba ang magiging posisyon ng 19th Congress,” aniya. “Malaya kong pahihintulutan ang debate… sa takdang panahon siguro sa June 11, ‘yan ay pagpapasyahan ng Senado.”
Ang pahayag ay kasunod ng babala ni Senador Francis Tolentino na maaaring ituring na “technically dismissed” ang reklamo kung hindi ito maaksyunan bago Hunyo 30—ayon sa itinakdang isang taong paghihintay bago muling makapaghain ng parehong kaso laban sa isang opisyal.
Mariin namang itinanggi ni Escudero ang paratang na siya ang nagpapabagal ng proseso.
“Hindi ako magpapa-impluwensya o magpapaapekto. Gagawin ko kung ano ang tingin kong tama at naaayon sa batas, sino man ang mapaboran nito,” paliwanag niya.
Ayon pa sa kanya, ang pagpapaliban ng talakayan mula Hunyo 3 patungong Hunyo 11 ay hindi pabor sa alinmang panig, kundi para mabigyang-daan ang pagpasa ng mga mahahalagang batas bago ang pagtatapos ng sesyon ng 19th Congress.
Sa mga tanong kung alin ang dapat unahin ng Senado, binigyang-linaw ni Escudero na hindi pa pormal na nagsisimula ang impeachment proceedings.
“Kapag nagsimula na ‘yon, tama si Senator Koko [Pimentel]… pero hindi pa naman,” aniya, habang binanggit ang Rule 10 ng impeachment rules ng Senado.
Ipinaliwanag din ni Escudero ang proseso kapag nabuo na ang impeachment court: manunumpa ang mga senador at maglalabas ng summons kay VP Duterte, na bibigyan ng sampung araw para tumugon.
“Ang pagkakaiba lamang, nabigyan kami ng panahon na asikasuhin ‘yong pangunahin naming trabaho na magpasa ng makabuluhang batas,” dagdag pa niya.
Tinukoy rin ni Escudero ang limitadong oras para maisagawa ang paglilitis, lalo’t magtatapos ang mandato ng House prosecutors sa Hunyo 30.
“Hindi naman tama na one side lang, ‘yong side lang ni Vice President Sara ang pwedeng mag-engage sa impeachment court at walang sagot mula sa prosecutors,” ani Escudero.
Nang tanungin kung siya ba’y sadyang nagpapaliban para kumiling sa mga kaalyado ni Duterte sa nalalapit na 20th Congress, mariin niya itong pinabulaanan.
“Marami pang mangyayari… at hindi ako gano’ng klaseng tao na gagawin ‘yong makakaapekto sa bansa para lamang sa iisang boto,” sabi niya.
Binigyang-diin din niya na hindi pulitika ang motibo ng kanyang mga kilos.
“Ang mas nakararaming Pilipino, ang paniniwala ko, gusto na magtrabaho ang kanilang Kongreso… Hindi naman Lunes hanggang Biyernes kada linggo na lamang puro politika ang dapat nating asikasuhin,” aniya.
Sa tuwirang tanong kung tutol ba siya sa impeachment, malinaw ang sagot ni Escudero:
“Hindi… may tamang panahon lang kasi kung magsalita ang mga pabor sa impeachment parang gusto nila araw-araw na lang ‘yan ang gagawin.”
Nakatakdang magpasya ang Senado sa Hunyo 11 kung ito ay magko-convene bilang impeachment court. Kapag nagkataon, agad maglalabas ng summons para kay VP Duterte, ngunit aminado si Escudero na limitado na ang panahon bago ang Hunyo 30 deadline.
Ang 19th Congress ay inaasahang mag-a-adjourn sa Hunyo 13, habang nakatakdang buksan ang 20th Congress sa Hulyo 28.