Dalipe Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe

Di maipaliwanag na kontrobersiya sa OVP, DepEd budget dahilan ng pagbulusok ng rating ni VP Sara — Dalipe

110 Views

ANG pagkabigo ni Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang kinukuwestyong paggastos nito sa pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ang nakikitang dahilan ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City sa pagbulusok ng rating nito.

Ang pahayag ni Dalipe ay kaugnay ng resulta ng survey ng Stratbase Inc. na isinagawa noong Setyembre kung saan bumaba sa 29 porsiyento ang nakuha ni VP Duterte mula sa 45 porsiyento noong Hulyo, o bumaba ng 16 puntos.

Sinabi ni Dalipe na ang porsiyento ng mga sumagot na may “mataas na tiwala” kay Duterte ay bumaba ng 10 porsiyento, na lalong nagdiin sa laki ng pagbagsak ng kanyang kasikatan.

Naniniwala si Dalipe na ang patuloy na pag-iwas ni VP Duterte na harapin ang mga paratang ng umano’y iregularidad sa OVP at sa kanyang panahon bilang kalihim ng DepEd sa mga pagdinig sa Kongreso ay nagdulot ng lumalaking kawalan ng tiwala ng publiko sa kanya bilang isang halal na opisyal.

Sinabi ni Dalipe na ito ang pinakamalaking pagbagsak sa ratings sa hanay ng mga pangunahing opisyal ng gobyerno ng bansa.

“Sa palagay natin, nagde-demand ng transparency at accountability ang taumbayan kay VP [Sara] sa gitna ng napakaraming tanong na hindi niya sinasagot o masagot. Repleksyon ito kung anong klaseng lider ka kasi dapat iniingatan natin ang pondo ng bayan,” ayon kay Dalipe.

Pinakamalaking pagbaba sa Balance Luzon

Batay sa resulta ng survey, sinabi ni Dalipe na nakapagtala si VP Duterte ng pinakamalaking pagbagsak sa kanyang trust ratings sa Luzon (hindi kasali ang Metro Manila) kung saan ang trust rating ay bumagsak ng 25 puntos, o mula 36 porsiyento noong Hunyo ay naging 11 porsiyento na lamang nitong Setyembre.

Ito aniya ay sinundan ng 21 puntos na pagbagsak sa National Capital Region (NCR), kung saan ang trust rating niya ay bumaba sa 13 porsiyento mula sa dating 34 porsiyento.

Ayon kay Dalipe, naitala ang 15 porsiyento na pagbagsak sa Visayas, habang ang kanyang trust ratings sa Mindanao ay bahagyang tumaas ng 4 porsiyento. Ang survey ay mayroong margin of error na ±3%.

Bumaba sa urban, rural areas

Ayon sa mambabatas, ang trust rating ni Duterte ay naapektuhan maging sa urban at rural areas. Sa urban areas, bumaba ang kanyang trust rating sa 21 porsiyento, samantalang sa rural areas ay nagkaroon ito ng 11 porsiyento na pagbagsak.

“This shows that regardless of geography, the call for accountability resonates deeply with Filipinos everywhere,” ayon kay Dalipe.

Pagbaba sa upper, middle class

Ayon kay Dalipe, ang pagbagsak ng trust ratings ay naramdaman sa lahat ng socio-economic classes, na may pinakamalaking pagbaba na naitala sa mga upper at middle class (ABC), kung saan ang kanyang trust rating ay bumagsak ng 26 porsiyento.

Ang Class D ay nagkaroon ng 15 porsiyentong pagbagsak, habang ang Class E ay nagpakita ng 9 porsiyento na pagbaba.

“This erosion of trust among the upper and middle classes is especially alarming, as these groups typically have a significant impact on public opinion,” ayon pa sa obserbasyon ni Dalipe.

Kababaihan bumababa tiwala kay VP

Ipinapakita rin sa survey ang malaking pagbaba ng tiwala ng mga kababaihan kay Duterte na bumaba ng 22 puntos, o mula sa 50 porsiyento noong Hunyo ay naging 28 porsiyento nitong Setyembre. Habang ang mga kalalakihan ay bumagsak din ng 10 puntos.

“It’s clear that the Vice President is losing support from women, who may have once been a strong base for her,” giit pa ni Dalipe.

Bumaba sa pangkalahatang edad

Ayon kay Dalipe, ang pagbagsak sa trust ratings ni Duterte ay pareho sa lahat ng antas ng edad.

Sinabi niya na ang pinakamalaking pagbaba ay nakita sa mga nasa edad 35-44, kung saan ang kanyang trust rating ay bumagsak ng 19 porsiyento, kasunod ng 16 porsiyentong pagbagsak sa mga nasa edad 45-54.

Pati na rin ang mga mas batang botante na nasa edad 18-24, na madalas na itinuturing na mas matatag sa kanilang mga opinyon, ay nagpakita ng 11 porsiyentong pagbaba, ayon pa sa mambabatas.

Pinakamalaking pagbaba sa college grads

Ayon kay Dalipe, nakaranas si Duterte ng pinakamalaking pagbagsak sa tiwala sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, na may 37 porsiyentong pagbaba.

Sinabi niya na hindi rin nakaligtas ang mga may mas mababang antas ng edukasyon, dahil ang kanyang trust rating ay bumaba ng 20 porsiyento sa mga respondent na nakapagtapos lamang ng elementarya.

Transparency, pananagutan

Iniuugnay ni Dalipe ang malaking pagbagsak na ito sa pagtanggi ni Duterte na harapin ang mga paratang ng mga iregularidad sa badyet sa OVP at mga kahina-hinalang desisyon sa pagbili ng mga kagamitan sa DepEd.

“Palagay ko, hangga’t hindi satisfactorily naipapaliwanag ni VP Duterte ang mga tanong sa paggamit niya ng pondo ng bayan sa DepEd at sa OVP, magpapatuloy na mawawalan ng tiwala ang mga kababayan natin sa kanya,” ayon kay Dalipe.

“Ang kailangan ng mamamayan ay sagot, hindi palusot,” dagdag pa nito.

Hinimok ni Dalipe si Duterte na direktang harapin at sagutin ang mga alegasyon na ipinupukol sa kaniya.

“If she wants to restore the public’s faith in her leadership, she must be willing to explain these anomalies transparently and truthfully, under oath. This is the only way to regain the trust of the Filipino people,” dagdag pa ng kongresista.