Agency

Di rehistradong dorm ng manpower agency tigil operasyon

Jun I Legaspi Oct 23, 2026
72 Views

Agency1IPINATIGIL ng Department of Migrant Workers-National Capital Region (DMW-NCR) ang operasyon ng hindi rehistradong dormitoryo sa Luzon Avenue, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City noong Oktubre 22 matapos matuklasan ang hindi ligtas at siksikang kondisyon ng 160 overseas Filipino worker (OFW) na nanunuluyan dito.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at mga opisyal ng barangay kasunod ng dalawang reklamong hindi pinangalanan ang mga naghain at mga isinasagawang inspeksiyon sa pasilidad.

Natuklasang hindi sapat ang mga bunk beds, wala pang 10 ang toilets at pitong ceiling fans lamang ang ginagamit ng 160 aplikante.

Iniulat din ang paniningil ng karagdagang bayad para sa tubig at pagkain, kawalan ng libreng Wi-Fi at limitadong oras para sa pag-charge ng mga electronic devices.

Batay sa beripikasyon ng DMW, walang kinakailangang rehistro at awtorisasyon ang pasilidad upang tumanggap ng mga aplikanteng naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Nagbigay ang OWWA ng tulong sa transportasyon at nag-ayos ng pansamantalang matutuluyan para sa 160 aplikante sa Kabayan Hotel at Bay Area Hotel.

Tiniyak ni DMW-NCR Regional Director Atty. Falconi Millar na hindi makakansela ang overseas employment applications ng mga apektadong aplikante at magpapatuloy ang pagproseso ng mga ito habang inililipat sila sa mas maayos at ligtas na tuluyan.

“Dito pa lang sa Pilipinas ay nakaka-experience na kayo na hindi magandang pangyayari. Paano pa doon sa abroad?” sabi ng opisyal.

Hinihikayat ng DMW-NCR ang mga aplikanteng naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na iulat sa DMW ang anumang hindi ligtas na kondisyon sa kanilang tinutuluyan.