Job

Naghahanap ng trabaho dumagsa sa Mega Job Fair sa Maynila

Edd Reyes Oct 23, 2026
50 Views

Job1BINUKSANG muli ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang programang Mega Job Fair para sa mga naghahanap ng lokal at overseas na trabaho Biyernes ng umaga sa San Andres Sports Complex.

Madaling araw pa lang ay dagsa na ang mga jobseekers na nagnanais makapag-apply sa mahigit 2,000 alok na trabaho ng 60 mga kompanyang lumahok sa job fair na nagsimula ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Ilang mga alok na trabaho ng mga kompanya ang call center agents, customer service representatives, cashier, baggers, store clerks, sales associates, quality assurance inspectors, machine operators, electrician, plumbers, carpenters, welders, fast-food service crew, hotel staff, encoders, administrative staff, at marami pang iba pa kabilang ang software developers, programmers, at IT specialists.

Ang naturang programa ay handog ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga Manilenyo, katuwang ang Manila Public Employment Service Office (PESO), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Migrant Workers (DMW).

Naglagay din ng one-stop-shop ang pamahalaang lungsod para sa mga kukuha ng mga kinakailangang dokumento sa mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Social Security System (SSS), PhilHealth, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pa.