Calendar
DILG hinilingang tutukan nito LGUs ukol sa pagpapatupad ng SWMP
NANANAWAGAN si TGP Party List Rep. Jose “Bong” J. Teves Jr. kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla para matutukan nito ang mga Local Government Units (LGUs) partikular na sa Metro Manila para sa maayos na pagpaaptupad ng mga ito sa kanilang “solid waste management plan” upang tuluyan ng maresolba ang matagal ng problema sa pag-dispose ng tone-toneladang basura sa kani-kanilang balwarte.
Ipinunto ni Teves na kinakailangang mabantayan ng DILG ang mga lokal na pamahalaan para matiyak na maayos nilang naipapatupad ang kanilang solid waste management plan na isang epektibong solusyon sa problema sa pagkakabara ng mga estero, kanal at ilog dahil sa mga nakabarang basura na nagiging sanhi ng matinding pagbaha lalo na aniya sa Metro Manila.
Nauna narin nanawagan ang kongresista kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Atty. Juan Miguel T. Cuna, Chairman din ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC), upang agarang matugunan at masolusyunan ang problema ng “solid waste management” kaugnay sa pagtatambak ng tone-toneladang basura sa mga ilog, kanal at estero sa Metro Manila at karatig lugar.
Ang panawagan ni Teves kay Cuna ay para mahanapan ng solusyon ang nasabing problema sa basura, kabilang na rin si DILG Sec. Remulla para matutukan nito ang mga LGUs kaugnay sa epektibong pagpapatupad nila ng kanilang solid waste management plan para matugunan ang mga pagbaha sa kanilang nasasakupan.
Pagbibigay diin pa ni Teves na kailangang umaksiyon na agad ang national governent at huwag na umanong hintayin pang magkaroon ng panibagong bagyo o habagat bago nila ayusin ang problema sa basura.
Ipinaliwanag ni Teves na may mga lokal na opisyal mula sa malalaking siyudad ang di-umano’y nakikinabang at nagpapasasa sa malaking ganansiya dahil sa nangyayaring korapsiyon sa basura batay sa pagsisiwalat ni Ombudsman Crispin Jesus “Boying” Remulla.
“May katotohanan ba ang isiniwalat ni Ombudsman Boying Rrmulla na may ibang malalaking siyudad ay may korapsiyon dahil sa basura,” ang pahayag ni Teves.
Pagbibigay diin ni Teves na ang pamamaraan ng kitaan ng mga siyudad mula sa basura sa kanilang lugar ay sa pamamagitan ng “sadya nilang hindi pagpapatupad ng kanilang “solid waste management plans” sapagkat kumikita umano ang mga ito sa kanilang “garbage hauler” na per-trip o per-truck ang sistema ng kitaan.
Ipinahayag pa ni Teves na dahil sa umiiral na katiwalian sa pangongolekta ng basura habang isinasantabi ang implementasyon ng solid waste management plans, dapat aniyang makasuhan ang mga lokal na opisyal na mapapatunayang nakinabang sa nasabing korapsiyon.
“Kung mayroong kasabihan na may pera sa basura. Mayroon din korapsiyon sa basura. At kung may katotohanan ang sinasabi ni Ombudsman Boying Remulla, dapat may makasuhan at dapat may makulong,” sabi pa ng mambabatas.
Dahil dito, muling binigyang-diin ni Teves na para mahinto ang ganitong kalakaran sa mga lokal na pamahalaan. Kailangan talagang nakabantay ang DILG sa LGUs para masiguro na naipapatupad nila ang kanilang SWMP kaugnay sa problema ng pagbaha.
“Dapat may makasuhan. Dahil ang problema sa flood control at isyu sa basura ay may iisang resulta lamang, parehong lubog sa baha ang ating mga kababayan. Iisa lang ugat nito, parehong may korapsiyon,” sabi pa ni Teves.
To God be the Glory

