Calendar
MAGSINO, PINURI SI LEA SALONGA SA MAKASAYSAYANG HOLLYWOOD WALK OF FAME STAR
PINURI ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino (19th Congress) ang international star na si Lea Salonga matapos nitong maging kauna-unahang Pilipino na ginawaran ng bituin sa “Hollywood Walk of Fame” na aniya’y isang malaking karangalan at inspirasyon para sa buong sambayanang Pilipino.
Ayon kay Magsino, patunay ang tagumpay ni Salonga na walang hangganan ang talento, sipag at dedikasyon ng mga Pilipino saanmang panig ng mundo.
“Isang napakalaking karangalan at inspirasyon para sa ating mga Pilipino ang makitang may pangalan ng isang kababayan natin sa Hollywood Walk of Fame,” pahayag ni Magsino.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagkilala kay Salonga ay hindi lamang personal na tagumpay ng isang artista kundi tagumpay ng bawat Pilipinong nangangarap, nagsusumikap at patuloy na lumalaban upang maabot ang kanilang mga pangarap.
Bilang kinatawan ng mga overseas Filipino workers, sinabi ni Magsino na ipinagmamalaki niya ang tagumpay ni Salonga dahil kinakatawan nito ang husay at galing ng Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Ayon kay Magsino, tulad ng mga OFW, dala rin ni Salonga sa ibang bansa ang pangalan, talento at dangal ng Pilipinas.
“Bilang kinatawan ng ating mga overseas Filipino workers, ipinagmamalaki natin si Lea dahil kinakatawan niya ang husay at galing ng Pilipino sa pandaigdigang entablado. Tulad ng ating mga OFW, dala niya sa ibang bansa ang pangalan, talento at dangal ng Pilipinas,” ani Magsino.
Sinabi pa ng mambabatas na ang pagkilala kay Salonga ay nagsisilbing inspirasyon sa milyun-milyong Pilipino, partikular sa mga kababayang nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa.
Hinimok ni Magsino ang mga Pilipino, lalo na ang mga OFW na gawing inspirasyon ang tagumpay ni Salonga sa patuloy na pagsusumikap at pag-abot sa kanilang mga pangarap.
“Ang tagumpay ni Lea Salonga ay paalala na kayang-kaya nating makipagsabayan sa mundo. Saan man tayo naroroon, dala natin ang likas na talento, sipag at pusong Pilipino,” sabi ni Magsino.
Binigyang-diin din ni Magsino na ang bawat tagumpay ng isang Pilipino sa international stage ay nagbibigay ng karangalan sa buong bansa at nagpapakita sa mundo ng kakayahan ng mga Pilipino.
Sa huli, nagpaabot si Magsino ng pagbati kay Salonga at hinangad na magsilbi itong patuloy na inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na nangangarap na makilala ang kanilang talento sa buong mundo.
“Congratulations, Lea Salonga! Ipinagmamalaki ka namin. Ang iyong bituin sa Hollywood Walk of Fame ay isang bituin na nagbibigay-liwanag at inspirasyon sa buong sambayanang Pilipino,” wika ng Lady solon.
“Mabuhay ang talento at galing ng Pilipino! Mabuhay ang ating mga kababayang patuloy na nagbibigay-karangalan sa Pilipinas sa buong mundo!” ani Magsino.
To God be the Glory

