Rep. Cayton

LIBRENG LUPANG LIBINGAN PARA SA MGA BETERANONG SUNDALO ISINUSULONG

Mar Rodriguez Sep 8, 2026
177 Views

ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang pagbibigay ng “libre at permanenteng lugar ng libing” para sa mga beteranong sundalo upang matiyak na mabibigyan sila ng marangal na huling hantungan saanman sila naninirahan sa bansa.

Inihain ni Cayton ang House Bill No. 10998 o ang “Veterans Burial Dignity Act” na naglalayong magtatag ng National Veterans Burial Assurance Program sa ilalim ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).

Ayon kay Cayton, sa ilalim ng kasalukuyang Republic Act No. 6948 kabilang sa mga burial benefit ng beterano ang burial flag at ₱20,000 burial assistance.

Gayunman, ipinaliwanag ni Cayton na maaaring hindi ito sapat para matustusan ang pagbili ng lupang libingan at pangmatagalang pangangalaga nito.

“May tulong para sa mismong paglilibing, pero kulang ito para sa lupang magiging himlayan ng ating mga beteranong sundalo. Sa maraming lalawigan, ang isang developed burial lot ay maaaring umabot sa humigit-kumulang ₱89,000. Hindi dapat maging dagdag na pasanin sa pamilya ang paghahanap ng paglilibingan para sa isang taong naglaan ng bahagi ng kanyang buhay sa paglilingkod at pagprotekta sa bayan,” sabi ni Cayton.

Sa ilalim ng panukalang batas, ipinaliwanag ng kongresista na hindi na kailangang magbayad ang pamilya para sa lupang libingan, paghahanda ng nitso at mismong serbisyo sa paglilibing ng kwalipikadong beterano.

Magkakaloob din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng nararapat na military funeral honors at standardized marker bilang pagkilala at pagpupugay sa naging serbisyo ng beteranong sundalo sa bansa.

Layunin ng panukala na matiyak na ang mga beterano ay magkakaroon ng marangal na huling hantungan nang hindi nagiging mabigat na gastusin ito para sa kanilang mga naiwang pamilya.

Ayon pa sa mambabatas, sa implementasyon ng programa, bibigyang-prayoridad ang mga lalawigang malayo sa mga national o public veterans cemeteries at may malaking bilang ng mga beteranong kulang sa access sa naturang serbisyo.

Dagdag pa ni Cayton na hindi dapat maging hadlang ang heograpikal na lokasyon o layo ng isang komunidad sa pagbibigay ng nararapat na pagkilala at dignidad sa mga beteranong naglingkod sa bansa.

Boluntaryo rin umano ang paglahok sa programa at hindi maaapektuhan ang karapatan ng mga beterano sa iba pang umiiral na burial benefits.

Binigyang-diin ni Cayton na hindi dapat matapos sa kanilang aktibong serbisyo ang pagkilala ng pamahalaan sa mga sundalong nag-alay ng panahon at nagsakripisyo para sa bayan.

“Ang isang sundalong naglingkod at nagsakripisyo para sa bayan ay nararapat lamang tumanggap ng karampatang pagpupugay at magkaroon ng marangal na huling hantungan. Ang pagkilala sa kanilang serbisyo ay hindi dapat magtapos kasabay ng kanilang panunungkulan,” pahayag ni Cayton.

To God be the 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆