Bagong PFSOs, CSOs sertipikado ng OTS

Jun I Legaspi Sep 9, 2026
125 Views

NAKAPASA ang 24 Port Facility Security Officers (PFSOs) at Company Security Officers (CSOs) sa sertipikasyon ng Office for Transportation Security (OTS) sa serye ng oral examinations noong Agosto 13, 27 at Setyembre 3.

Sa 34 na aplikante, 20 ang nakapasa para sa PFSO at 4 sa CSO. Ang masusing pagsusulit ay nakatuon sa pagtitiyak na ang mga opisyal ay may sapat na kaalaman at kasanayan alinsunod sa pambansa at pandaigdigang pamantayan sa seguridad.

Binibigyang-diin ni OTS Administrator Gilberto DC Cruz na ang sertipikasyon ay hindi lamang pormalidad kundi “ang gulugod ng ating security system” na nagtataguyod ng tiwala ng publiko sa anumang hamon sa seguridad.