Prosecution: Walang documents na nagpapatunay ng payment kay Nolasco

132 Views

IGINIIT ng prosecution na walang dokumentong naipakita na nagpapatunay ng payment kay Col. Dennis Nolasco habang pinag-uusapan ng dalawang panig ang turnover ng bahagi ng P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education.

Nagkasundo ang prosecution at defense sa mga LandBank checks at disbursement vouchers kaugnay ng tatlong cash advances na tig-P37.5 milyon o kabuuang P112.5 milyon.

Nagkaroon ng pagtatalo ng umabot ang proposed stipulation sa sinasabing pag-turn over ng noo’y DepEd special disbursing officer Edward Fajarda ng confidential funds kay Nolasco, na noon ay deputy commander ng Vice Presidential Security and Protection Group.

Tumanggi ang prosecution na ituring ang sinasabing transfer bilang “disbursement” dahil wala umanong dokumentong nagpapatunay ng payment kay Nolasco.

“Since there is no showing that there were proper document evidencing payment, as far as we’re concerned, that was not a disbursement,” sabi ng prosecution counsel.

Tinukoy naman ng defense ang naunang pahayag ni Fajarda na “disbursed” niya ang confidential funds sa mga security officers.

Tinanong ng presiding officer kung maaaring magkasundo ang dalawang panig na natanggap ni Nolasco ang pondo mula kay Fajarda.

Hiniling ng prosecution na mailagay sa record na walang dokumentong nagpapatunay ng payment kay Nolasco.

“I can confirm that as of now, no evidence has been presented that it was received by Mr. Nolasco,” sinabi ng presiding officer.

Lumipat pagkatapos ang talakayan sa proposed stipulation na ibinigay umano ni Fajarda ang pondo kay Nolasco sa utos ni Duterte.

Tinanong ng presiding officer kung may dokumentong nagpapatunay sa sinasabing instruction mula sa bise presidente.

Sinabi ng prosecution na mayroon itong video ni Fajarda ngunit hindi muna tinalakay ng impeachment court.

Pagkatapos ng maikling konsultasyon, sinabi ng defense counsel na: “We can stipulate, Your Honor.”