Hiphop

PINAS NO. 1, 2 SA WORLD HIP-HOP; 5 MEDALYA INUWI NG FILIPINO DANCE CREWS

191 Views

NAKAMIT ng Pilipinas ang Number 1 at 2 slots sa Megacrew Division matapos mag-gold ang Femme MNL at mag-silver ang The Crew sa 2026 World Hip Hop Dance Championship sa Phoenix, Arizona, bahagi ng limang-medal haul ng Philippine delegation.

Pinagtibay ng Senado nitong Martes, Sept. 8, ang Senate Resolution No. 591 na bumabati at nagbibigay-pugay sa limang Filipino dance crews dahil sa kanilang tagumpay sa international competition.

Si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, author at sponsor ng resolution, ang naglahad ng medal haul at ng pagkilala ng Senado sa mga nanalo.

Nagkampeon ang Femme MNL sa Megacrew Division habang silver medal naman ang nakuha ng The Crew, kaya parehong Pilipinas ang nasa No. 1 at No. 2 spots sa naturang kategorya.

Nag-uwi rin ng gold medal ang HQ sa Adult Division.

Bronze medal naman ang nakuha ng Folk Jumpers sa Adult Division at Sayawatha Jr. sa Junior Division.

Sa kabuuan, dalawang gold, isang silver at dalawang bronze medal ang naiuwi ng limang Filipino dance crews.

Tinawag ni Aquino ang World Hip Hop Dance Championship na “Olympics of hip-hop dance” at inilarawan itong isa sa pinakamalalaking hip-hop dance competitions sa mundo.

“Ipinakita po ng ating mga Filipino dance crews kung ano ang kayang gawin ng Pilipino kapag nabigyan ng pagkakataong humarap sa pandaigdigang entablado. Sila’y tunay na kumatawan ng sipag, husay, at talento ng Pilipino,” sabi ni Aquino.

Sinabi rin ni Aquino na ipinapakita ng tagumpay ang potensiyal ng Filipino artists na makipagsabayan sa global creative industries.

Ayon sa kanya, umaasa siyang magsisilbing inspirasyon ang resulta sa mga kabataang nagsisimula pa lamang sa mga paaralan, dance studios at barangay competitions.

“Ipinapakita po ng ating mga world-class dancers na ang isang passion ay maaaring maging daan patungo sa pandaigdigang entablado basta may sipag, may disiplina, at may tamang suporta,” ani Aquino.

Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 591, kinilala ng Senado ang Femme MNL, HQ, The Crew, Folk Jumpers at Sayawatha Jr. sa kanilang limang-medal performance sa Phoenix.