DILG Source: GCash file photo

DILG sa LGUs: Pagbabayad dapat idaan sa EPCS

Jun I Legaspi May 17, 2025
19 Views

HINIKAYAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na gamitin ang electronic payment and collection systems (EPCS) bilang alternatibo sa tradisyonal na pagbabayad gamit ang salapi.

Ang hiling ng DILG alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang digital transformation sa pamahalaan.

Sa memorandum circular, pinayuhan ng DILG ang mga LGU na ipatupad ang EPCS para sa koleksyon ng mga buwis, bayarin at iba pang singilin, alinsunod sa Executive Order No. 170, s. 2022 na nag-aatas ng paggamit ng digital payments sa mga transaksyon ng pamahalaan.

Layunin ng sistemang ito na mapabuti ang transparency, kahusayan at kaginhawaan para sa publiko.

Pinayuhan din ang mga LGU na magbigay ng ligtas at madaling ma-access na digital na opsyon, tiyakin ang pagiging user-friendly ng mga payment channel, at makipag-ugnayan sa mga awtorisadong service providers, kabilang ang mga government servicing banks.

Lahat ng mga sistemang ipinatupad kailangang naaayon sa National Retail Payment System Framework at sa Data Privacy Act.

Inaasahan ding magtatakda ang mga LGU ng malinaw na proseso para sa paglalabas ng electronic invoices at billing notices, alinsunod sa patnubay ng Commission on Audit (COA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Nilinaw ng DILG na kailangang ipagpatuloy ng mga LGU ang pagtanggap ng bayad sa pamamagitan ng salapi at iba pang tradisyonal na paraan upang masiguro ang accessibility para sa lahat ng mamamayan.

Upang maisakatuparan nang lubos ang sistemang ito, hinihimok ng DILG ang mga LGU na magpasa ng mga ordinansang susuporta sa implementasyon ng EPCS at maglabas ng kaukulang mga polisiya.

Nangako rin ang ahensya na magbibigay ng mga capacity-building initiatives upang tulungan ang mga LGU sa pagsasakatuparan ng sistema at gabayan ang kanilang mga nasasakupan sa paggamit nito.