Diokno1 House prosecutor Rep. Chel Diokno Kuha ni JOSEPH MUEGO

Diokno: Ulat ng AMLC nagpapakitang ‘lumaki’ nang husto transaksiyong pinansyal ni VP Sara habang nasa serbisyo publiko

96 Views

IGINIIT ni House prosecutor at Kinatawan Chel Diokno nitong Miyerkules sa harap ng Senado na nakaupo bilang Impeachment Court na ang mga rekord sa pananalapi ni Bise Presidente Sara Duterte mula noong siya ay bise alkalde at alkalde ng Lungsod ng Davao ay direktang may kaugnayan sa mga paratang sa ilalim ng Artikulo II ng Articles of Impeachment.

Sa oral arguments ng prosekusyon hinggil sa mosyon nito para sa pagpapalabas ng mga subpoena, binanggit ni Diokno ang mga datos na nakapaloob sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na isinumite sa House Committee on Justice.

“Ayon sa ulat ng Anti-Money Laundering Council na isinumite sa Committee on Justice ng House of Representatives, ang financial activity ni Vice President Sara Z. Duterte ay tumaas nang malaki simula noong 2007, kung kailan umabot sa ₱208.15 milyon ang halaga ng kanyang mga transaksiyon.”

Ayon kay Diokno, ipinakita rin ng parehong ulat ng AMLC na patuloy na lumaki ang dami at halaga ng mga transaksiyong pinansyal sa mga sumunod na taon.

“Ayon sa parehong ulat, lalong tumindi ang mga galaw sa pananalapi mula 2009 hanggang 2013, kung saan palaging lumalagpas sa ₱400 milyon ang kabuuang halaga ng mga transaksiyon, kabilang ang mga pinakamataas na naitala noong 2009 (₱704.93 milyon), 2010 (₱648.58 milyon), at 2011 (₱597.15 milyon).”

Itinuro niya na ang mga taong ito ay kasabay ng panunungkulan ni Duterte bilang opisyal ng pamahalaan.

“Si VP Sara ay nanungkulan bilang Bise Alkalde ng Lungsod ng Davao mula 2007 hanggang 2010. Naging Alkalde ng Lungsod ng Davao naman siya mula 2010 hanggang 2013. Mula 2007 hanggang 2013, ayon sa mga rekord ng AMLC, lumampas sa ₱3 bilyon (₱3,020,460,347.20) ang kanyang financial activity.”

Sinabi ni Diokno na ang mga bilang na ito ang dahilan kung bakit hinihiling ng prosekusyon sa Impeachment Court na maglabas ng mga subpoena para sa mga rekord sa pananalapi na sumasaklaw sa panahon bago naging bise presidente si Duterte.

“May kinalaman ba ito—relevant ba ito—sa Artikulo II ng Articles of Impeachment, na nagsasaad, bukod sa iba pa, na ipinagkanulo ni VP Sara ang tiwala ng publiko at may pananagutang lumabag sa Konstitusyon nang umano’y magkamal siya ng hindi maipaliwanag na yaman na hayagang hindi katumbas ng kanyang legal na kita?”

Pagkatapos ay sinagot niya ang tanong na siya rin ang naglahad.

“Para sa prosekusyon, malinaw ang sagot: ang financial activity ng Bise Presidente noong siya ay Bise Alkalde at Alkalde ng Lungsod ng Davao ay may direktang kaugnayan sa pangunahing isyung dinidinig sa kasong ito—ang kanyang pagiging karapat-dapat o hindi karapat-dapat na maglingkod bilang Bise Presidente.”

Binigyang-diin ni Diokno na hindi hinihiling ng prosekusyon sa Hukuman na agad magbigay ng konklusyon batay lamang sa mga datos ng AMLC.

VSa halip, aniya, hinihiling ng prosekusyon sa Impeachment Court na kunin ang mga kaukulang rekord ng bangko, mga ulat ng AMLC, at mga dokumento sa buwis upang masuri ng Hukuman ang mga katotohanan bago ito magpasya.

“Ang hiling ng prosekusyon ay mailabas ang buong katotohanan, upang ang Kagalang-galang na Hukuman na ito ay makapagpasya batay sa katotohanan, sa buong katotohanan, at wala nang iba kundi ang katotohanan.”