Cacdac DMW Secretary Hans Leo Cacdac

DMW clinic sa mga malls binabalak

Chona Yu Feb 17, 2025
28 Views

PALALAWAKIN pa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang operasyon ng Overseas Filipino Worker hospital sa San Fernando, Pampanga, ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.

Sinabi ng kalihim na balak nilang maglagay ng DMW clinic sa mga malls sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Tinatayang nasa 86,000 na pasyente ang pinagsilbihan ng OFW hospital kasama na ang kanilang mga pamilya.

Sinabi pa ni Cacdac na magtatayo rin ang DMW ng Bagong Pilipinas Cancer Care Center sa unang quarter ng 2026 na kayang makapagsilbi sa 250 hanggang 300 cancer patients anumang oras.

Bukod sa cancer care center, magkakaroon na rin dito ng dialysis treatment facility.

Sinabi ni Cacdac na saklaw ng suportang pinansyal na ipinagkakaloob ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa OFW hospital ang permanent plantilla positions, kabilang ang 200 mga nurse, doctor at medical staff at 450 regular personnel.