Calendar
DMW nagbabala vs human trafficking ng mga illegal recruiter
MULING pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na mag-ingat sa mga ‘third country recruitment’ schemes na isinasagawa ng mga illegal recruiters.
Ayon sa DMW, nakatanggap sila ng ulat mula sa Philippine Embassy sa Abuja, Nigeria ukol sa mga posibleng insidente ng human trafficking na kinasasangkutan ng mga Pilipino patungo sa Nigeria at iba pang bansa sa West Africa.
Base sa mga ulat, ilang grupo ng mga Pilipino ang naaresto sa Abuja at Lagos dahil sa mga alegasyon ng cybercrime, economic sabotage at paglabag sa mga batas ng imigrasyon ng Nigeria.
Ang mga Pilipinong ito na-recruit upang magtungo sa Nigeria mula sa Dubai, United Arab Emirates gamit ang tourist visas.
Pinaniwala sila na ang kanilang mga permit aayusin pagdating nila sa Nigeria.
Subalit hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ng Nigeria ang conversion ng tourist visas para sa layunin ng pagtatrabaho.
Upang makapagtrabaho sa Nigeria, ang isang Pilipino kinakailangang kumuha ng Subject to Regularization (STR) visa mula sa Nigerian Embassy sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng DMW na ang recruitment sa pamamagitan ng third country itinuturing na illegal recruitment kung ang recruiter o employer walang awtorisasyon mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Laging kinakailangang kumuha ang mga Pilipino ng kanilang overseas employment documents sa pamamagitan ng mga DMW-accredited recruitment agencies upang matiyak ang kanilang mga benepisyo, proteksyon laban sa labor malpractice at tulong sa oras ng emerhensiya.
Hinimok ng DMW ang mga OFWs at mga nais maging OFW na mag-ingat sa mga kahina-hinalang alok na trabaho sa ibang bansa na makikita sa social media platforms.
Gayundin, ang mga kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa illegal recruitment at human trafficking maaaring i-report sa DMW Migrant Workers Protection Bureau sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa
https://www.facebook.com/dmwairtip, email sa [email protected], o sa kanilang hotline number +63 2 8721-0619 para sa legal na tulong.