Calendar
DMW, OWWA nagtulong sa pag-repatriate ng 18 OFWs mula ME
NA-repatriate ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang 18 overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan noong Hunyo 16 sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City.
“Binigyang-linaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang direktiba na tulungan ang ating mga Kababayan, ang ating mga OFWs, na naapektuhan ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Nananatili kaming handa upang suportahan at tulungan ang mga OFWs na nais bumalik para sa kanilang kaligtasan at seguridad,” ani Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac.
Kasama si OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, tiniyak ng kalihim na ang mga repatriated na OFWs ay makatatanggap ng buong suporta mula sa gobyerno.
Ang mga OFWs ay patungong Tel Aviv, Israel, at Amman, Jordan, ngunit na-stranded sa Dubai dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga pangunahing paliparan sa rehiyon.
Ang DMW, sa pamamagitan ng Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai, ay nagbigay ng ayuda sa paliparan at pagkain sa mga OFWs bago sila sumakay sa Philippine Airlines Flight PR 659 mula Dubai kagabi, Hunyo 15, 2025.
Natanggap ng mga repatriated na OFWs ang pinansyal na suporta sa pamamagitan ng DMW AKSYON Fund, tulong sa paliparan at iba pang kinakailangang suporta mula sa DMW at OWWA, gayundin ang iba pang ahensya ng gobyerno alinsunod sa utos ng Pangulo.
Ang DMW, sa pamamagitan ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO), ay tutulong sa mga OFWs sa kanilang pagsasanay at sustainable reintegration, kabilang ang tulong pangkabuhayan o pagpapalawak ng kasanayan para sa posibleng muling pag-deploy.
Ayon sa Kalihim, nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng Philippine Embassies sa Gitnang Silangan upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga OFWs.
Nag-set up din ang DMW at OWWA ng 24/7 Middle East Help Desk para sa mga OFWs at kanilang pamilya na naapektuhan ng sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Ang mga nangangailangan ng agarang tulong ay maaaring tumawag sa DMW-OWWA 1348 hotline. Para sa mga nasa ibang bansa, maaari nilang i-dial ang +632 1348.
Narito ang mga emergency contact numbers ng DMW Migrant Workers’ Offices (MWOs) sa Israel, Lebanon, at Jordan:
Israel
– Philippine Embassy in Tel Aviv: +972 54-4661188
– MWO: +972 50-7622590
– OWO: +972 50-7156937
Lebanon
– Philippine Embassy in Beirut: +961 70 858 086
– MWO in Beirut: +961 79 110 729
Jordan
– Philippine Embassy in Amman: +962 7 7907 7775 ; +962 7 7721 9000
– MWO in Amman: +962 7 8149 1183 ; +962 7 8519 1891
Ang mga OFWs na naapektuhan ng pagkansela, pagkaantala, at pagbabago ng ruta ng mga flight sa rehiyon ay maaaring humingi ng tulong sa 1348 Hotline o sa mga nakasaad na MWO numbers.
Hinihikayat ng Departamento ang lahat ng OFWs sa Israel at Iran na manatili sa loob ng kanilang tirahan, maging alerto at manatiling konektado sa Philippine Embassy o MWOs sa kanilang host countries.
Pinapayuhan din ang mga OFWs na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon upang maiwasan ang takot at pagkalito.