Calendar
DMW patok sa pagpapasara ng illegal recruitment agency
PINURI ni dating OFW Party List Rep. Marissa del Mar Magsino ang pinaigting na kampanya laban sa laganap na illegal recruitment sa bansa matapos na ipasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ahensya na ilegal na pagrerecruit ng mga Pilipinong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Aminado si Magsino na nagsulputang parang “kabute” ang mga illegal recruitment agencies sa ating bansa kung kaya’t kinakailangang maging puspusan ang kampanya laban sa mga ito.
Malawak at organisado ang operasyon ng illegal recruitment sa Pilipinas dahil mayroon umano silang koneksiyon sa mga bansang pinagdadalhan ng kanilang mga bagong recruit, ayon sa dating mambabatas.
Ipinaliwanag ni Magsino na ang mga ipinasarang illegal recruitment agencies sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ay maaaring maliit na galamay lamang ng mas malaking sindikato.
Nauna rito, ipinasara at ipinaaresto ng DMW ang isang illegal recruiter ng R and T Travel and Tours sa entrapment at closure operations.

