DMW

DMW tiniyak suporta sa mga solo parents

Jun I Legaspi Apr 26, 2025
16 Views

NANGAKO ang Department of Migrant Workers (DMW) ng suporta sa mga asawa at pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na kinikilala rin bilang mga solo parent sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, mahalaga ang papel ng pamilya sa kwento ng bawat OFW.

Batay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), kwalipikadong solo parent ang asawa o sinumang kaanak ng isang OFW na nasa low o semi-skilled na trabaho at tuloy-tuloy na nagtatrabaho sa ibang bansa nang hindi bababa sa isang taon.

Pinalawak ng Expanded Solo Parents Welfare Act ang depinisyon ng solo parent upang mas akma sa kasalukuyang kalagayan ng mga pamilyang OFW, lalo na ang mga naiwan sa Pilipinas na may buo at tanging responsibilidad sa pagpapalaki ng mga anak.

Bilang tugon, inilabas ng DMW ang Department Order No. 08 s. 2024 upang matiyak ang access ng mga solo parent mula sa pamilyang OFW sa mga programa’t serbisyo ng ahensya.

Kabilang dito ang welfare assistance, reintegration support, livelihood at skills training, counseling at psychosocial support at financial literacy.

“Mahalaga ang komprehensibong suporta para sa mga solo parent ng mga OFW at sa kanilang pamilya. Katuwang natin dito ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan,” dagdag pa ni Cacdac.

Nakasaad sa RA 11861 na maaaring makatanggap ng mga sumusunod ang mga kwalipikadong solo parent: buwanang subsidy na P1,000, awtomatikong PhilHealth coverage, edukasyon at kabuhayan at tax exemption para sa childcare ng mga anak na edad anim pababa.

Upang makuha ang mga benepisyong ito, kinakailangan ng mga solo parent na kumuha ng Solo Parent ID mula sa kanilang lokal na pamahalaan at tiyaking taunang nire-renew ang ID na ito.

Hinihikayat ng DMW ang mga solo parent mula sa pamilyang OFW na lumapit sa kanilang tanggapan upang makuha ang nararapat na suporta.