DMW

DMW: Trabaho para sa PH marino sa pagbubukas ng MSC tanggapan

Jun I Legaspi Nov 26, 2024
46 Views

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers na magkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong marino sa mga darating na taon dahil sa pagpapalawak at pagbubukas ng lokal na tanggapan ng MSC Crewing Services Philippines at Philippine Transmarine Carriers, Inc. (PTC) sa Aseana, Lungsod ng Parañaque, ngayong Nobyembre.

Pinangunahan ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kasama si Undersecretary Patricia Yvonne M. Caunan ang pabubukas ng lokal na tanggapan.

Positibo ang mga ospisyal na sa pagbubukas ng lokal na tanggapan ng MSC at PTC, malaki ang magiging benepisyo ng mga Pilipinong marino, lalo na sa mga oportunidad sa trabaho.

“MSC means more seafarers and cruise ship workers. That means more work, more coordination, more possibilities of collaboration, and renewed friendship,” saad ni Cacdac.

Tiniyak din ng Kalihim sa mga opisyal ng MSC at PTC na ang mga usapin at alalahanin kaugnay sa Magna Carta for Seafarers na maaaring makaapekto sa kanilang sektor ay natutugunan na.

Ang MSC ay isang lehitimong ahensyang nakatuon sa pagre-recruit ng mga tauhan para sa barko at iba pang kaugnay na aktibidad sa maritime, habang ang PTC ay isang pandaigdigang kompanyang pandagat na nagbibigay ng pamamahala sa barko at tripulante, edukasyon at pagsasanay, logistics, at outsourcing solutions.

Ayon kay Elia Congiu, Chief Operating Officer ng MSC Cruises, bahagi ng kanilang hinaharap na pagpapalawak sa mga darating na taon ang paglikha ng 50,000 trabaho para sa mga tripulante sa buong mundo, kung saan 10,000 sa mga ito ay ilalaan para sa mga Pilipino.

“The Filipino crew has always been an integral part of our global operation, known for their dedication, hard work, their talent in perfect harmony with our company. The contribution of the Filipinos is without a doubt, essential to delivering exceptional guest experience,” diin ni Congiu.

Idinagdag pa niya na sa nakalipas na limang taon, humigit-kumulang 9,000 Pilipino ang na-empleyo ng MSC kung saan 85% ng mga ito ay nananatili pa rin sa kumpanya.

Samantala, nangako si Gerardo Borromeo, Chief Executive Officer ng PTC Group, na ipagpapatuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas at titiyaking makapagbibigay ng makabuluhang karera para sa mga Pilipinong marino.

Ang bagong tanggapan ng MSC Crewing Services ay magsisilbing lokal na hub para sa talent scouting, pagsasanay, at pag-develop ng mga Pilipinong tripulante.