DOH

DOH KINONDENA ANG ‘MAPANLINLANG’ NA MARKETING NG VAPE; TOTAL BAN IMINUMUNGKAHI

295 Views

MATINDING pagkondena ang inihayag ng Department of Health (DOH) sa pagpapatuloy ng mapanlinlang na marketing strategy ng vape products.

Sa pahayag ni DOH Sec. Ted Herbosa, inihayag ng kalihim na mas mabuting i-ban na ang vape sa Pilipinas.

Madalas na sinasabing walang nikotina at puwedeng alternatibo sa sigarilyo ang vape, pero ani ng DOH, puno ng kemikal at mapanganib ang usok at ang mismong aparato ng vape. Makukulay na pakete at iba’t ibang flavors din ang nambubudol sa mga kabataan para gumamit nito.

Batay sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, isa sa pitong kabataang Pilipino, edad 13 hanggang 15, ang gumagamit ng vape.

Matatandaang noong nakaraang taon lang ay naitala na ang unang kaso ng namatay sa Pilipinas dahil sa dalawang taong paggamit ng vape.

Paalala ng DOH na nakamamatay ang paggamit ng vape at sigarilyo at nagdudulot ito ng cardiovascular disease, cancer at lung disease.

Pinagtitibay rin ng Pilipinas ang pakikiisa nito sa WHO Framework Convention on Tobacco Control o WHO-FCTC at inihayag na uunahin ang kalusugan ng mga Pilipino kaysa interes ng tobacco at vape industry.

Sa WHO FCTC sa Geneva, Switzerland, inihayag ng Pilipinas sa pangunguna ng DOH na aktibo ang ahensya na isulong ang mas mahigpit na mga polisiya at batas para maprotektahan ang mga Pilipino sa panganib ng tobacco at vape.

Patuloy ang DOH Health Promotion Bureau sa pagbibigay ng tamang edukasyon sa mga komunidad, eskwelahan, at workplace habang pinaiigting din ang smoking cessation services ng ahensya, alinsunod sa National Tobacco Cessation Infrastructure Plan 2025–2030.

Nakiisa rin ang DOH Health Promotion Bureau sa isinagawang Policy Forum on Safeguarding Youth From Tobacco Harms sa House of Representatives bilang pagpapaigting ng mga polisiya, batas, at adbokasiya para sa pagpapalakas ng tobacco control efforts sa Ika-20 Kongreso.