DOTR

Lopez sinuri NAIA bilang paghahanda ng DOTr sa pagdagsa ng pasahero ngayong Pasko

Jun I Legaspi Nov 22, 2025
275 Views

ININSPEKSYON ni Transportation Secretary Giovanni Lopez Sabado ang mga pasilidad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang paghahanda ng Department of Transportation (DOTr) sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa paparating na Holiday season.

Ito’y kasunod ng direktiba ng Pangulo na tiyaking handa ang lahat ng mga terminal, pantalan at mga paliparan sa nalalapit na holiday rush.

Kasamang nag-inspeksyon ni Secretary Lopez sina Bureau of Immigration Commissioner Joel Viado, Office for Transportarion Security (OTS) Undersecretary Gilbert Cruz, New NAIA Infra Corp. (NNIC) President and CEO Cecille Ang at NNIC General Manager Lito Alvarez.

“Ang sabi nga ng Pangulo, dapat mabilis at komportable ang ating mga pasahero. Kaya natin isinusulong ang digitalization sa airport kasama ang NNIC para mas mabilis at convenient yung overall passenger travel experience ng ating mga pasahero, lalo na’t nalalapit na ang kapaskuhan,” ani Secretary Lopez.

Sa Departure area, mabilis at convenient na ang pag check-in ng mga bagahe gamit ang self-check-in at bag drop counters.

Inaasahang mas mabilis at mababawasan na ang pila sa immigration processing sa arrival area ng mga pasahero at OFW gamit ang bagong e-gates sa tulong ng facial recognition at passport scanning features nito.

Matitiyak din ang kaligtasan ng mga pasahero at maiiwasan ang illegal entry dahil may security at verification features ang mga ito.

Operational na ang mga self check-in at bag drop counters. Inaasahan namang mailu-lunsad ang PRS e-gates at border control e-gates sa ikalawang linggo ng Disyembre.