Calendar
`DOH nakikipag-usap na para sa pagbili ng bakuna laban sa monkeypox
NAKIKIPAG-USAP na ang Department of Health (DOH) sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa pagbili ng bakuna na magagamit laban sa monkeypox.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire pinag-uusapan ngayon ang bultuhang pagbili ng ASEAN ng bakuna laban sa monkeypox at lalahok umano dito ang Pilipinas kung matutuloy.
Sinabi rin ni Vergeire na mayroong tatlong manufacturer na natukoy ang Food and Drug Administration (FDA) na gumagawa ng bakuna laban sa naturang virus.
Bukod dito ay nakikipag-usap na rin ang Pilipinas sa Estados Unidos.
Hindi umano gaya ng COVID-19 vaccine, hindi lahat ay kailangang bakunahan laban sa monkeypox.
Sa Estados Unidos ang mga binibigyan lamang ng bakuna laban sa monkeypox ay ang mga indibidwal na mayroong exposure sa taong nahawa nito.