Calendar
DOH pinagpapaliwanag ni Tulfo sa pagkaantala ng ayuda sa mahihirap
HINAMON ni Senador Erwin Tulfo ang Department of Health (DOH) na magpaliwanag kaugnay ng umano’y pagkaantala at pagtanggi sa pagbibigay ng medical assistance sa mga pasyenteng mahihirap, lalo na sa gitna ng mga ulat na hindi tinatanggap ang guarantee letters (GLs) sa ilang pampublikong ospital.
Ayon sa senador, maraming pasyente ang lumapit sa kaniyang opisina para humingi ng tulong ngunit itinuro sa DOH—na kalaunan ay sinabihan lamang na bumalik na lang sa ibang araw. Kabilang sa mga kasong binanggit niya ay isang pasyenteng nagpunta sa Philippine Heart Center na tinanggihan at sinabihang “come back another day,” at isa pa sa National Kidney and Transplant Institute na pinaghintay umano at sinabihang “wait for a bit.” Ani Tulfo, hindi katanggap-tanggap ang ganitong sitwasyon: “every second counts” para sa mga maysakit.
Ipinunto rin ng senador kung may natitira pa bang pondo ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program, lalo’t inaprobahan na umano ng Kongreso ang sapat na budget para rito. Babala niya sa DOH, “Don’t give false hope if the funds are gone.” Dagdag pa niya, “These people didn’t choose to get sick. Let’s not make their burden heavier.”
Sa mga ulat mula sa Region IV-A, partikular sa Batangas, sinabi ni Tulfo na ilang pribadong ospital ang nagbabalak nang tumigil sa pagtanggap ng GLs dahil sa mahigit P530 milyong hindi pa nababayarang claims mula sa DOH. Itinanong niya kung ang mga pondong ito ay nailihis, minaniobra, o ginamit sa ibang layunin—at ipinahiwatig pa ang posibilidad ng paglalaan ng pondo sa panahon ng eleksyon.
Bukod dito, binigyang-diin ni Tulfo ang umano’y pamumulitika ng ilang lokal na opisyal sa pamamahagi ng ayuda mula sa gobyerno. Giit niya, dapat gumawa ng batas na magpapataw ng parusang diskwalipikasyon sa sinumang opisyal—maging ito man ay Kongresista o Bise Presidente—na mapatutunayang namili ng benepisyaryo batay sa ugnayang pampulitika.
Iminungkahi rin niya na ang pamamahagi ng tulong ay dapat ilipat sa kamay ng mga non-partisan personnel, gaya ng mga social worker mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at hindi dapat pinakikialaman ng mga halal na opisyal.
Sa layuning palawakin ang suporta sa sektor ng edukasyon, inihain ni Tulfo ang panukalang emergency student assistance program na magbibigay ng P10,000 kada semestre sa mga estudyanteng nangangailangan. Ayon sa kanya, target ng programa ang mga mag-aaral mula sa malalayong lalawigan na biglang kinailangang gumastos sa renta, pamasahe, o internship. Iginigiit niyang dapat gawing simple at mabilis ang proseso, lalo na sa panahon ng kagipitan. “When I was DSWD Secretary, I made sure applicants weren’t buried in paperwork,” aniya.
Ipinunto rin niya na maraming programa mula sa iba’t ibang ahensya—tulad ng DSWD, DOLE, CHED, at DOH—ang may magkakaparehong layunin. Kaya’t iminungkahi niyang pagsamahin na lang ang ilang programa gaya ng MAIP, AICS, ACAP, at SLP upang mapadali ang serbisyo sa mga benepisyaryo. Kaniyang binanggit ang SLP at KALAHI-CIDSS bilang mga community-based programs na may potensyal, subalit bihirang ipatupad sa Metro Manila.
Tugon naman niya sa bansag na “Ayuda Nation” ang Pilipinas, “The problem isn’t the existence of aid programs, but how they’re being mismanaged and politicized.” Ipinunto niya na kung tuluyang aalisin ang mga social assistance programs, ay lalo lang mapapahamak ang mga estudyante, nakatatanda, at mga walang trabaho na umaasa rito para mabuhay.
Sa gitna ng isinasagawang budget deliberations sa Senado, sinabi ni Tulfo na ipagpapatuloy niya ang pagkalampag sa DOH para sa mas malinaw na accounting ng pondo, gayundin ang mabilis na pagpasa ng kanyang panukalang emergency aid para sa mga estudyante.

