Calendar
DOT: Angeles sumisikat na bituin sa pandaigdigang turismo sa pagkain
NATUWA si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco sa pagkilala sa Angeles City, Pampanga bilang Asia’s Best Emerging Culinary City Destination sa World Culinary Awards Gala Ceremony 2024 noong Miyerkules.
Ayon sa DOT, lalong nagpapatibay ang parangal sa katayuan ng Angeles City bilang isang sumisikat na bituin sa pandaigdigang turismo sa pagkain.
Nakipagkumpitensya ang Angeles City laban sa iba pang kilalang destinasyon ng pagkain sa Asya, kabilang ang Hanoi, Vietnam; Kuala Lumpur, Malaysia; Taipei, Taiwan; at Kyoto, Japan.
“Ang prestihiyosong pagkilalang ito ng Angeles City bilang Asia’s Best Emerging Culinary City Destination binibigyang-diin ang pambihirang talento, pagkamalikhain at dedikasyon ng mga lokal na chef at food artisan nito,” sabi ni Kalihim Frasco.
Natanggap ang parangal sa ngalan ni Secretary Frasco ni Department of Tourism (DOT) Central Luzon Regional Director Richard Daenos sa Dubai, UAE.
“Ang parangal na ito patunay ng sama-samang pagsusumikap at pagnanasa ng mga mamamayan ng Angeles City at ng Pampanga sa pangangalaga at pagdiriwang ng kanilang natatanging culinary heritage,” sabi ni Frasco.
Pinuri rin ng Tourism chief ang pagsisikap ng Angeles City na protektahan ang mga culinary treasure nito, kabilang ang isang ordinansa na kumikilala sa Sisig Babi bilang isang Intangible Heritage ng lungsod.
Kilala sa iconic na sisig, tokwa’t baboy, street food at bibingka, bukod sa iba pang mga cherished dish, iba-iba ang culinary landscape ng lungsod na nag-aalok ng local at international cuisine kaya dapat itong puntahan ng mga mahilig sa pagkain.
Sa seremonya ng parangal, nakipag-ugnayan si Regional Director Daenos sa mga kilalang tao sa industriya ng culinary.
Ang parangal isang patunay sa matatag na food tourism initiatives ng departamento, kabilang ang Food Talks ng DOT Region 3, ang First International Conference on Kapampangan Cuisine & Food Tourism, ang HARP Cook-Off Challenge at ang Culinary Familiarization Tours.
Ang mga pagsisikap na ito, kasama ang mga inisyatiba tulad ng Food Mapping para sa Pampanga at ang pagbuo ng GastroVentures Tour, may malaking kontribusyon sa katanyagan sa culinary ng rehiyon.
“Ang pagkilala ng Angeles City isang patunay kung paano maaaring maging puwersang nagtutulak ang pagkain para sa turismo at inaasahan naming ipagpatuloy ang aming gawain sa pag-highlight ng magkakaibang lasa at masaganang kultura ng pagkain na tumutukoy sa ating bansa,” dagdag ng Tourism Chief.
Bilang karagdagan sa mga panrehiyong pagsisikap na ito, ang DOT aktibong nangunguna sa mga inisyatiba sa turismo sa pagkain sa buong bansa kabilang ang First UN Tourism Regional Forum on Gastronomy Tourism for Asia and the Pacific na ginanap sa Cebu noong Hunyo at ang Philippine Eatsperience sa Manila sa unang bahagi ng 2024 na higit pang nagpatibay sa reputasyon sa pagluluto ng bansa.