Calendar

DOTr Dizon inendorso ng panel ng CA
INENDORSO ng isang panel ng Commission on Appointments (CA) ang nominasyon ni Vince Dizon bilang Kalihim ng Department of Transportation (DOTr) nitong Hunyo 3.
Ang rekomendasyon ay isusumite na para sa kumpirmasyon ng buong makapangyarihan Commission on Appointment.
Sa pagdinig, mariing hinimok ni Senadora Risa Hontiveros si Dizon na huwag lamang sukatin ang tagumpay ng DOTr batay sa mga proyekto sa imprastraktura. “I hope it’s not mainly in terms of infrastructure programs—as we now know there is no appetite in Malacañang for large and costly new initiatives and in the end the DoTR has to be accountable for the extraordinary daily pains of the ordinary commuter,” aniya.
Inamin ni Dizon na hamon ang sektor ng road transport dahil sa dami ng pasahero at kakulangan sa regulasyon. Tinukoy niya ang road safety bilang pangunahing isyu: “Marami pong kailangang gawin regulatory environment sa road transport, lalong-lalo na po sa issue ng road safety.” Kaugnay nito, binanggit niya ang trahedya sa SCTEX kung saan 12 katao ang namatay, at nilinaw: “We don’t like to call them accidents… ito po ay crash.”
Tinuligsa rin niya ang maluwag na pamantayan sa pagbibigay ng lisensya. “Kahit tayo po nagmamaneo ng sedan, pwede po tayo magmaneho ng truck. Bibigyan po tayo ng lisensya,” paliwanag niya.
Pagdating sa trapiko, iginiit ni Dizon na ang solusyon ay epektibong mass transit system. “Ang solusyon po talaga sa traffic ay ang pagtatayo po talaga ng mass transport system na gagamitin ng ating mga kababayan whether mahirap, middle class o mayaman,” aniya. Kabilang sa mga proyektong binanggit niya ay ang MRT-7, ang common station sa Quezon City, at pagpapabuti ng LRT-MRT connectivity.
Nangako siyang tatapusin ang mga proyekto sa loob ng natitirang tatlong taon ng administrasyon: “Pipilitin po natin na lahat ng kayang tapusin within the next three years po ay talaga pong tatapusin po natin.”
Tinanong din ni Hontiveros kung may konkretong hakbang ang DOTr upang bawasan ang pagdami ng pribadong sasakyan. Ayon kay Dizon, ipapatupad ang PUV modernization sa ilang lungsod gaya ng Baguio, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro, at Davao. Ipinunto niyang modelo ang Davao Modern Bus System: “Ito may proper bus stop, may proper terminals.”
Sa usapin ng transit-oriented development (TOD), kinumpirma ni Dizon na kasama ito sa plano ng North-South Commuter Rail at Metro Manila Subway. “Kasama po sa master plan… ay mga packets of transport-oriented development sa mga iba’t iba pong estasyon,” aniya, kabilang ang Bulacan, Pampanga, at Taguig.
Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat isama sa TOD ang mga relokadong komunidad. “Yung relocation… ay bahagi ng TOD kasi bahagi sila sa pwedeng ma-disperse yung economic activities.”
Tinalakay rin ang mataas na logistics cost sa Pilipinas—27% ng kita ng mga manufacturing firm, ayon sa NEDA. Tugon ni Dizon: sinusuportahan ng DOTr ang PPP para sa mga pantalan tulad ng sa Iloilo, ngunit hindi dapat “exorbitantly and unreasonably high” ang singil sa serbisyo.
Hinggil naman sa port security, nabanggit ang kaso ni Guo Hua Ping. Ayon kay Dizon, hindi pa matukoy kung paano ito nakalabas ng bansa, at kinilala ang kakulangan sa koordinasyon ng Customs, Immigration, at iba pang ahensya.
Sa maritime sector, tiniyak niyang naaprubahan na ang mga kontrata para sa 45 fast patrol vessels at 5 mas malalaking barko, na inaasahang makokompleto bago matapos ang termino ng administrasyon.
Ayon sa mga ulat, nagbitiw dati si Dizon bilang courtesy resignation ngunit hindi ito tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagpapahiwatig ng patuloy na tiwala sa kanya.
Bilang pagtatapos, hinikayat ni Hontiveros ang mas malalim na koordinasyon sa mga ahensya at patuloy na pagtutok sa mga reporma para sa mas makatarungan at inklusibong sistema ng transportasyon.