Marissa “Del Mar” P

DOTr pinutakte ng tanong ni Magsino

Mar Rodriguez Sep 6, 2023
161 Views

PINUTAKTE ng tanong ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang Department of Transportation (DOTr) patungkol sa samu’t-saring issues na ikinukalpol ng publiko laban sa nasabing ahensiya.

Ito ay matapos humarap ang DOTr sa Kamara de Representantes para dipensahan ang kanilang 2024 proposed national budget kaugnay sa pagpapatuloy ng budget deliberations ng House Committee on Ways and Means.

Dahil dito, hindi pinalampas ni Magsino ang pagkakataon upang pigain at dikdikin ng tanong ang liderato ng DOTR kaugnay sa iba’t-ibang issues na kinasasangkutan ng ahensiya. Kabilang na dito ang flight cancellation at delayed flights na nakaka-apekto sa napakaraming pasahero.

Sinabi din ni Magsino na bukod pa dito ang issue naman patungkol sa overbooking ng mga flights, mga nawawalang o lost baggages at iba pang problema sa mga pampbansang paliparan na nakaka-perwisyo hindi lamang para sa mga ordinaryong pasahero bagkos maging sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Dahil dito, ipinaalala ni Magsino sa liderato ng DOTr ang inihain nitong House Resolution No. 1105 sa Mababang Kapulungan naglalayong magkaroon ng masusing imbestigasyon hinggil sa nangyaring “inconvenience” na naranasan ng napakaraming pasahero lalo na ang mga OFWs.

Nauna rito, ikinagalak ni Magsino ang ibinabang suspensiyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa napaka-higpit na implementasyon ng bagong departure order screening guidelines na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na nagdulot ng malaking perwisyo para sa mga biyahero.

Sinabi ni Magsino na bagama’t ang human trafficking ang isa sa kaniyang maigting na adbokasiya. Subalit kailangan parin balansehin ang kampanya ng pamahalaan laban dito na hindi naman maapektuhan ang karapatan ng mga Pilipino na maka-travel at makapag-trabaho sa ibayong dagat.