Airport

DOTr Secretary Lopez ininspeksyon ginagawang Tacloban airport

Jun I Legaspi Oct 24, 2026
27 Views

ININSPEKSYON ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang ginagawang mas malaki, moderno at bagong Tacloban airport sa Tacloban, Leyte na inaasahang makakapagpalago ng turismo at ekonomiya sa Region 8 (Eastern Visayas).

Tiniyak ni Lopez na matatapos ang konstruksyon ng bagong Tacloban airport sa Pebrero 2027 kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang konstruksyon ng paliparan para mabuksan na ito sa mga pasahero bago ang Semana Santa sa 2027.

“Kabilin-bilinan ng ating Pangulo dapat bilisan na natin ang konstruksyon ng Tacloban Airport para pagdating ng Semana Santa sa susunod na taon, mas maraming pasahero at turista ang makikinabang nito,” sabi ni Secretary Lopez.

Kabilang sa expansion ng bagong airport ay ang mas malaki at modernong passenger terminal building na ngayon ay ginawang 33,498-sqm. mula sa dating 2,142 sqm.

Sa oras na matapos, kayang mag-accommodate ng 1,600 na pasahero mula sa dating 595 ang bagong airport.

Pinapahaba rin ang runway ng paliparan na mula sa dating 2,142-meters sa 2,500-meters.

Mas maginhawa at accessible na rin ang pagbiyahe ng mga pasahero dahil ginawang 22 na ang check-in counters mula sa kasalukuyang tatlo at naglagay din ng tatlong boarding bridges para sa mas madaling pagbaba ng mga pasahero.

In-upgrade din ang six-storey control tower building at ginawang nine-storey ang control tower building.