Huli

LTFRB binalaan taxi operators: Sobrang singil, pagtanggi sa pasahero, bastos ipinagbabawal

Jun I Legaspi Oct 24, 2026
21 Views

NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator ng taxi tungkol sa sobrang paniningil ng pasahe kaugnay ng byahe ng milyun-milyong Pilipino patungo sa mga probinsya para sa All Souls’ Day at All Saints’ Day.

Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg Pua Jr., ang paglabag sa mga mga patakaran at regulasyon, kabilang ang sobrang paniningil, pagtanggi sa pasahero at kawalang-galang sa mga bumibiyahe, ay maaaring magresulta sa suspensyon o pagkansela ng Certificate of Public Convenience (CPC), bukod pa sa iba pang kaukulang parusa.

“Inaasahan nating mas dadami ang mga pasaherong pupunta sa mga terminal ng bus at iba pang pangunahing transport hub simula sa susunod na linggo. Kaya sa ngayon pa lamang, binibigyan na natin ng malinaw na paalala ang lahat ng operator ng taxi na sumunod sa mga patakaran at regulasyong nakapaloob sa kanilang awtorisasyon upang makapag-operate,” sabi ni Pua.

Ayon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), inaasahang aabot sa 1.9 milyon ang mga pasaherong dadagsa sa terminal sa Undas.

Inaasahan din ng Philippine Ports Authority na halos kaparehong bilang ng mga pasahero ang gagamit ng iba’t-ibang pantalan sa buong bansa.

Inaasahan ding dadami ang mga pasahero sa iba pang terminal ng bus sa Quezon City, Maynila, Pasay City, Caloocan City at Muntinlupa dahil nandoon ang mga terminal ng mga bus na bumibiyahe sa mga probinsya.

Sinabi ni Pua na paiigtingin din ng LTFRB ang pagbabantay ng law enforcement team at social media team nito upang matugunan ang mga reklamo at matiyak ang pagsunod sa mga patakaran at regulasyong nakapaloob sa CPC.

Magsasagawa ang mga tauhan ng LTFRB ng mga random inspection. Inaasahan ding gagamit ang ahensya ng mga mystery rider upang masubaybayan ang aktuwal na pagsunod ng mga taxi operator at driver sa mga umiiral na regulasyon.

“Buong puwersa ang LTFRB sa pagsasagawa ng monitoring. Dapat itong magsilbing matibay na babala sa mga operator at driver na mahigpit nating binabantayan ang kanilang mga ginagawa at batid nila ang mga kahihinatnan kung mahuhuling lumalabag sa mga patakaran,” saad ni Acting Chairman Pua.

Hinimok din niya ang publiko na iulat sa LTFRB Hotline 1342 at sa iba pang social media account ng ahensya ang anumang insidente ng pang-aabuso.

“Magtulong-tulong tayo para bigyan ng leksyon ang mga abusadong PUV driver para sa maayos, komportable at kapanatagan sa pagbiyahe ninyo ngayong Undas,” dagdag niya.