Bautista

DOTr suportado pananatili mandatory face mask sa pampublikong sasakyan

Jun I Legaspi Sep 11, 2022
192 Views

SUPORTADO ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang pagpapanatili ng pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang muling pagkalat ng COVID-19.

Sinabi ni Bautista na nagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocol sa public transportation.

Bukod sa pagsusuot ng face mask, ipinagbabawal sa loob ng pampublikong sasakyan ang pagkukuwentuhan, pagtawag o pagsagot sa cellphone, at pagkain.

Ipinaalala ng DOTr na nananatili ang banta ng COVID-19 kahit pa bumaba na ang bilang ng mga nahahawa nito.

Inirekomenda ng Inter Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na luwagan ang pagsusuot ng face masks subalit hindi pa ito inaaprubahan ng Malacañang at kanilang pinag-aaralan ang mga datos gaya ng bilang ng mga Pilipino na nakapagpa-booster shot na laban sa COVID-19.

Puspusan ang pagtutulak ng Palasyo na magpa-booster shot na ang mga kuwalipikadong indibidwal upang malimitahan ang epekto ng COVID-19 kung sakaling mahawa ang mga ito.

Sinabi ng Palasyo na maaaring luwagan ang mandatory na pagsusuot ng face mask bago matapos ang taon.