Calendar
DPWH inatasan ni PBBM na madaliin paggawa sa Paliwan bridge
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Western Visayas na madaliin ang rehabilitasyon ng Paliwan Bridge sa Antique na nasira ng bagyong Paeng noong nakaraang taon.
Binigyan-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng tulay na nag-uugnay sa Antique sa iba pang bahagi ng Panay islands.
“Nabanggit ko na po ito sa inyo noong 2022, ngunit uulitin ko na kailangang gawing prayoridad at madaliin ang rehabilitasyon ng Paliwan Bridge. Inaatasan ko ang Public Works ng Region VI na pagtuunan ng pansin para agarang magka-aksyon na dito sa pag-ayos at pagbuo nitong programa,” ani Pangulong Marcos.
“Inyo pong madaliin ngunit dapat tiyakin ding matibay at hindi sub-standard ang pagkakagawa ng mga imprastraktura natin,” sabi pa ng Pangulo na nasa probinsya para pangunahan ang pamimigay ng bigas at iba pang ayuda sa lugar.
Ayon sa Pangulo prayoridad ng gobyerno ang pagtatayo ng mga imprastraktura upang maging madali ang pagpunta sa mga palengke at trading centers bukod pa sa pagtiyak na mayroong sapat na suplay ng pagkain na abot kaya ang presyo.