Driver itinangging nagpaputok sa Senado

Edd Reyes May 19, 2026
21 Views

IGINIIT ng driver-volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi siya nagpaputok ng baril sa Senado noong Miyerkules.

Ayon kay Mel Oragon, nagtataka siya kung bakit nag-positibo siya sa gunpowder residue gayung hindi naman siya nagpaputok o humawak ng baril nang magtungo sila sa gusali ng Government Service Insurance System (GSIS).

Hindi rin sa kanya ang mga bala na nakumpiska ng mga awtoridad sa lugar ng putukan dahil inutusan lang siyang balikan ang naiwang sling bag sa GSIS compound dahil may mga gamot sa loob noon.

Mga pulis ang sumalubong sa kanya sa lugar at inalam ang kanyang pagkakakilanlan kaya hindi na niya nakuha o nahawakan man lang ang sling bag na may laman umanong mga bala.

Pilit niyang iwinawaksi ang nararamdamang takot dahil tiniyak naman sa kanya ni NBI Director Atty. Melvin Matibag ang kanilang suporta sa kanya.

Taong 2016 ng unang magsisilbi bilang volunteer sa NBI si Oragon matapos maging reservist ng Philippine Army.

Nakalaya siyang pansamantala matapos maglagak ng piyansang P116,00 sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Direct Assault sa Pasay City Regional Trial Court (RTC).