Caretaker

Kasong pagbabanta, panunutok isinampa

Edd Reyes May 19, 2026
18 Views

KINASUHAN ng mga pulis noong Martes ang naarestong caretaker ng fishpond na nanutok ng baril at nagbanta sa sinita niyang babae sa Valenzuela City.

Kasong grave threat at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang isinampa laban kay alyas “Jeffrey,” 25-anyos, makaraang maaresto ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento dahil sa panunutok ng baril at pagbabanta sa biktimang si alyas “Lyn,” 29-anyos.

Sa ulat ni P/Capt. Doddie Aguirre, hepe ng Valenzuela Police Sub-Station 5, nangyari ang insidente alas-4:30 Linggo ng hapon nang itapon ng biktima ang tissue paper sa fishpond sa Tagalag Fishing Village, Rosal Street, Brgy. Tagalag.

Pinagsabihan ng suspek si alyas “Lyn” subalit dinedma umano ito ng biktima na dahilan para tutukan siya ng kalibre .38 revolver at pinagbantaan na papatayin.

Nagtatakbo ang biktima at nakahingi ng tulong kina P/SSg Melvic Pingad at P/SSg Ricardo Santos Jr. ng Police Sub-Station-5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa baril na kargado ng bala.