Tibo

Suspek sa video online na nananadyak ng bata tiklo

Edd Reyes May 19, 2026
19 Views

TIMBOG ang 28-anyos na tomboy na “bida” sa viral video online na nanggugulpi ng batang lalaki sa Taguig City.

Nahuli ang suspek na si alyas “Carla” matapos mapanood sa viral video ang paulit-ulit na pananadyak sa ulo, mukha at katawan ng 3-anyos na bata, habang dinig na dinig ang pag-iyak habang nakahiga sa kama.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glen Oliver Cinco, nangyari ang insidente noong Lunes alas-12:30 ng hatinggabi sa Sitio Buyo, Brgy. Western Bicutan, Taguig, matapos mag-away ang suspek at ina ng bata.

Nang maawat ng mga kapitbahay ang dalawa, dito na ibinaling ng suspek ang galit sa nakahigang paslit at paulit-ulit na pinag-tatadyakan na nakuhanan ng video ng isa nilang kapitbahay.

Tumakas ang suspek makaraan ang pananakit habang isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang bata upang malapatan ng kaukulang lunas.

Dakong alas-3 ng hapon nang madakip ng mga pulis ang suspek na nahaharap ngayon sa paglabag sa Republic Act 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.