Droga

Driver tiklo sa ilegal na droga

Edd Reyes Sep 5, 2026
21 Views

NAARESTO noong Biyernes sa Las Piñas City ng mga pulis ang driver na may kasong may kinalaman sa ilegal na droga sa Makati at Muntinlupa.

Magkasanib na pwersa ng District Special Operations Unit ng Southern Police District (DSOU-SPD) District Mobile Force Battalion (DMFB) at Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Makati Police Station ang dumakip kay alyas Ian, 49, dakong alas-8:30 ng gabi sa San Isidro Village, Almanza Uno, Las Piñas City.

Ayon kay SPD District Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nasa Top 9 Most Wanted Person sa Makati City si alyas Ian.

May warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 256 para sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act).

Nakapiit na ang wanted na akusado habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Muntinlupa City Jail.